MANILA, Philippines — Mataas ang posibilidad na maging tropical depression sa loob ng 24 oras ang low pressure area (LPA) sa loob ng Philippine area of responsibility, ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) nitong Miyerkules, Hulyo 22.
Sinabi ni Pagasa weather specialist Benison Estareja na huling namataan ang LPA sa layong 940 kilometro silangan ng Southeastern Luzon dakong alas-3 ng hapon.
Nakaaapekto ang trough o extension ng LPA sa Southern Luzon at Eastern Visayas at maaaring magdala ng mahina hanggang katamtaman at kung minsan ay malakas na pag-ulan sa Bicol Region, Eastern Visayas at Romblon.
“Its trough is bringing rains in some areas in the country, including Bicol Region, Eastern Visayas, and Romblon where light to moderate with at times heavy rains are possible overnight,” pahayag ni Estareja.
Makakaranas naman ang natitirang bahagi ng Luzon ng maulap na kalangitan at posibilidad ng localized thunderstorms simula Miyerkules ng hapon.
Samantala, patuloy na magdadala ng mga pag-ulan ang southwest monsoon o habagat sa Palawan, kanlurang bahagi ng Visayas, Negros Island Region, Zamboanga Peninsula, Bangsamoro Region at Soccsksargen.
Ayon kay Estareja, patuloy na makaaapekto ang trough ng LPA sa malaking bahagi ng Southern Luzon sa Huwebes. Magiging maulap ngunit may mga panahong maaliwalas ang panahon sa natitirang bahagi ng Luzon, lalo na sa kanlurang bahagi ng Northern at Central Luzon.
Patuloy ding magdadala ng mga pag-ulan ang habagat sa Palawan at malaking bahagi ng Visayas at Mindanao. RNT