Home NATIONWIDE PNP sa mga raliyista sa SONA: Makipag-ugnayan sa awtoridad

PNP sa mga raliyista sa SONA: Makipag-ugnayan sa awtoridad

3
0

MANILA, Philippines — Hinimok ng Philippine National Police (PNP) ang mga organizer ng mga kilos-protesta sa ikalimang State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na makipag-ugnayan sa mga awtoridad at tumulong sa pagtiyak sa kaligtasan ng kanilang mga kalahok.

Sinabi ni PNP chief Gen. Jose Melencio Nartatez Jr. na dapat kumuha ang mga organizer ng kinakailangang permit at makipagtulungan sa mga lokal na pamahalaan at pulisya upang masiguro ang pagsunod sa mga regulasyon, kaligtasan ng publiko at seguridad.

“Every individual and every group has the right to express opinion and air grievances and we assure each and every one of them that the PNP will respect and even protect that right,” ani Nartatez.

“All that we ask is for them to respect police officers on the ground and their mandate to maintain peace and order,” dagdag niya.

Tinatayang 20,000 pulis ang ipakakalat para sa ikalimang SONA ni Marcos sa Hulyo 27, kasabay ng inaasahang mga protesta at iba pang pampublikong aktibidad.

Ayon kay Nartatez, inatasan ang mga police commander na estratehikong magtalaga ng mga tauhan at kagamitan sa mga lugar ng protesta habang pinananatili ang malapit na koordinasyon sa mga organizer. Inatasan din ang mga pulis na pairalin ang maximum tolerance sa paghawak sa mga demonstrasyon.

Naghahanda rin ang PNP ng mga operasyong panseguridad para sa ika-112 anibersaryo ng Iglesia ni Cristo na kasabay ng taunang talumpati ng Pangulo.

Sinabi ni Interior Secretary Jonvic Remulla na tapos na ang paghahanda ng mga awtoridad at handa silang tumugon sa anumang posibleng sitwasyon.

“Yes, we are ready. In fact, command conference namin tungkol dito ngayon. We have 20,000 police now deployed, and we are ready for any contingencies,” pahayag ni Remulla noong Miyerkules.

Ayon kay Remulla, patuloy ang mga command conference ng mga kinauukulang ahensya upang tapusin ang operational plans dahil sa inaasahang malalaking demonstrasyon sa ilang bahagi ng Metro Manila.

Isasailalim sa full alert status ang National Capital Region Police Office simula Biyernes. Hihigpitan din ang seguridad sa mga karaniwang lugar ng protesta, kabilang ang Batasang Pambansa, People Power Monument, Malacañang, Liwasang Bonifacio, Senado at US Embassy.

Tiniyak ni Nartatez na poprotektahan ng PNP ang kaligtasan ng publiko habang iginagalang ang karapatan ng mga Pilipino na mapayapang magtipon at magpahayag ng kanilang pananaw sa panahon ng SONA. Santi Celario

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here