Home NATIONWIDE Piso muling bumagsak sa rekord na P61.75 kada dolyar

Piso muling bumagsak sa rekord na P61.75 kada dolyar

4
0
MSW

MANILA, Philippines — Muling bumagsak ang piso sa rekord na closing rate na P61.75 kontra US dollar nitong Miyerkules, kapantay ng pinakamahinang antas na una nitong naitala noong Mayo.

Batay sa datos ng Bankers Association of the Philippines, nagbukas ang piso sa P61.73 bago humina sa intraday low na P61.75, na siya ring naging closing rate nito.

Nauna nang sinabi ng BMI, isang unit ng credit watcher na Fitch Solutions, na maaaring manatili sa P61 hanggang P63 kada dolyar ang palitan ng piso sa mga susunod na buwan.

Kabilang sa mga dahilan ang panibagong paglala ng sigalot sa Middle East, patuloy na paglakas ng US dollar at pana-panahong pagtaas ng pangangailangan sa mga inaangkat na produkto.

Patuloy na humihina ang piso mula nang salakayin ng United States at Israel ang Iran noong huling bahagi ng Pebrero, na naging dahilan ng pagsirit ng presyo ng langis sa pandaigdigang merkado.

Bago sumiklab ang sigalot, sunod-sunod na lumalakas ang piso at umabot pa sa P57.665 kada dolyar noong Peb. 27, ang huling araw ng trading bago ang mga pag-atake. Mula noon, ilang makasaysayang pinakamababang antas na ang naitala ng lokal na salapi.

Nakikinabang sa mahinang piso ang mga pamilya ng overseas Filipino workers dahil mas maraming piso ang kanilang natatanggap sa bawat dolyar na ipinadadala sa bansa. Gayunman, maaari rin itong magpalala ng inflation dahil nagiging mas mahal ang mga inaangkat na produktong binabayaran sa dolyar, gaya ng langis.

Umakyat sa average na 4.8 porsiyento ang inflation ngayong taon, mas mataas sa target range ng pamahalaan na 2 porsiyento hanggang 4 porsiyento, matapos magtulak ang pagsirit ng presyo ng langis sa pagtaas ng halaga ng iba pang produkto, kabilang ang bigas.

Pinatataas din ng mahinang piso ang gastos sa pagbabayad ng utang ng bansa. Humigit-kumulang isang-katlo ng mga obligasyon ng pamahalaan ang utang sa mga dayuhang creditor, at karamihan sa mga ito ay nakatalaga sa dolyar. May bahagi rin ng domestic debt ng bansa na dollar-denominated. Dave Baluyot

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here