MANILA, Philippines – Patuloy ang pagsisikap ng administrasyon na palakasin ang seguridad sa enerhiya sa pamamagitan ng pagpapataas ng lokal na produksyon ng natural gas at mabawasan ang pagdepende sa pag-iimport ng enerhiya.
Ininspeksyon ngayong Huwebes, Hulyo 23, ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang Malampaya Phase 4 Project kasunod ng ginagawang pagpapabilis sa development ng Malampaya gas field.
Ang Malampaya gas field ang tanging pinagkukunan ng natural gas sa bansa, na inaasahang mauubos ang reserba pagsapit ng 2027.
Batay sa datos ng pamahalaan, 52 porsiyento, o 35.18 milyong metric tons of oil equivalent (MTOE), ng kabuuang pangunahing suplay ng enerhiya ng bansa noong 2025 ay nagmula sa mga inaangkat sa ibang bansa habang ang natitirang 48 porsiyento ay nagmula sa lokal na pinagkukunan.
Sa kabuuang suplay naman ng natural gas ng bansa, 55 porsiyento ay nagmula sa imported liquefied natural gas (LNG), habang 45 porsiyento ay nagmula sa Malampaya gas field.
Sa ilalim ng Malampaya Phase 4 Project, tatlong bagong balon ng natural gas ang dini-develop kabilang na ang Malampaya East-1 (MAE-1), Camago-3, at Bagong Pag-asa-1.
Matagumpay na naisagawa ang pagbabarena at pagsusuri sa MAE-1 at Camago-3 noong Enero at Marso 2026, na may pinagsamang paunang tinatayang reserba na humigit-kumulang 222 bilyong cubic feet ng natural gas.
Ayon sa Department of Energy (DOE), natapos noong Hunyo 2026 ang pipeline connection na nag-uugnay sa MAE-1 at Camago-3 sa kasalukuyang Malampaya subsea production system.
Target ng pamahalaan na maihatid ang bagong suplay ng natural gas mula sa dalawang balon sa ikaapat na quarter ng 2026 habang nagpapatuloy ang paghahanda para sa pagbabarena ng Bagong Pag-asa-1.
Sinabi rin ng DOE na ang bagong natuklasang reserba ay katumbas ng humigit-kumulang 31.46 bilyong kilowatt-hours ng kuryente, sapat upang masuplayan ang tinatayang 13.11 milyong kabahayan sa loob ng isang taon.
Inaasahan ding mapalalawig ng matagumpay na pagbabarena sa MAE-1 at Camago-3 ang operasyon ng Malampaya gas field mula 2027 hanggang 2034.
Nauna nang inutusan ni Pangulong Marcos ang DOE na magsagawa ng karagdagang eksplorasyon ng natural gas sa iba pang bahagi ng bansa, magbigay ng mga insentibo sa mga mamumuhunan, repasuhin ang mga umiiral na patakaran at service contracts kaugnay ng upstream gas production, lalo na sa mga lugar na malapit sa Malampaya.
Upang higit pang mapabilis ang lokal na eksplorasyon at produksyon ng enerhiya, ini-award na ng pamahalaan ang 14 na bagong petroleum service contracts para sa mga potensyal na lugar sa Cagayan, Pangasinan, Zambales, offshore Palawan, Cebu, Leyte, at Sulu Sea mula Hulyo 2022 hanggang Hulyo 2026.
Pinalakas din ng administrasyon ang legal at policy framework para sa pagpapaunlad natural gas sa pamamagitan ng Republic Act No. 12120 at ng implementing rules and regulations nito, na nagbibigay-priyoridad sa lokal na natural gas kumpara sa imported na fuel. (KRIS JOSE)