BULACAN, Philippines — Kailangan ng humigit-kumulang 400 millimeters ng ulan sa watershed ng Angat Dam sa Bulacan upang maabot ang antas na kailangan para sa normal na suplay ng tubig, irigasyon, at power generation, ayon sa PAGASA.
Ayon kay PAGASA Hydrometeorology Division chief Engr. Socrates Paat Jr., katumbas ito ng mahigit 400 millimeters ng ulan na ibinuhos ng Bagyong Ondoy sa loob ng isang araw.
“So, ganung ulan yung kailangan natin pero huwag naman sanang dumating yung ganung delubyo.”
Sinabi niyang kailangan naman ng 1,200 millimeters ng ulan upang maabot ng Angat Dam ang normal high water level na 210 metro.
Samantala, inaasahang bahagyang magpapataas sa lebel ng Angat Dam ang Tropical Cyclone Kiyapo, ngunit hindi pa ito sapat upang matugunan ang kakulangan sa tubig sa pangmatagalan.
“In the long run talaga, for the case of Angat, tuloy-tuloy pa rin in the coming days na bababa siya pero may konting pag-angat in the coming days due to the impact nga nitong TC Kiyapo,” ani Paat.
Ayon naman kay PAGASA hydrologist Jofren Habaluyas, ang inaasahang 100 millimeters ng ulan ay maaaring magpataas ng lebel ng Angat Dam ng 5 hanggang 7 metro.
“Kasulukuyan, na-experience po natin yung pinakamababang level pa rin sa Angat. So etong system naman is makakatulong naman sa pag-angat ng level ng Angat.”
Sinabi rin niyang maaari ring tumaas ng 8 hanggang 10 metro ang lebel ng Magat Dam dahil sa ulan mula sa Kiyapo.
Ayon kay PAGASA Deputy Administrator Roy Badilla, bumaba sa 151.45 metro ang lebel ng Angat Dam nitong Huwebes ng umaga—ang pinakamababang naitala sa kasaysayan.
“We are not discounting na pwede pa itong bumaba dahil sa ngayon, wala pa rin tayong natatanggap na ulan doon sa Angat reservoir or sa catchment ng Angat.”
Nagbabala rin ang PAGASA na maaaring lumala pa ang kakulangan sa tubig dahil sa inaasahang El Niño, na inaasahang rurok sa huling bahagi ng taon hanggang unang bahagi ng susunod na taon.
Hinimok ni Badilla ang publiko na magtipid sa paggamit ng tubig.
“Sana tumulong po yung mga tao, magtipid na tayo sa paggamit ng tubig.” RNT/MDS