Home NATIONWIDE Patas na impeachment trial, responsibilidad ng Senado – Cayetano

Patas na impeachment trial, responsibilidad ng Senado – Cayetano

4
0

MANILA, Philippines – Iginiit ni Senator-Judge Alan Peter Cayetano nitong Miyerkules na bagama’t tungkulin ng Prosecution at Defense na ipaglaban ang kani-kanilang panig sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte, nasa Senado ang napakabigat na responsibilidad na tiyaking magiging patas ang buong proseso.

Sa kanyang manifestation sa ikasiyam na araw ng impeachment trial nitong July 22, 2026, bago pansamantalang itigil ng Senado ang paglilitis para sa State of the Nation Address (SONA) ng Pangulo sa July 27, binigyang diin ni Cayetano na hindi lamang ang magiging desisyon ang mahalaga kundi maging ang paraan ng pagdinig sa kaso.

“Ang importante, hindi lang ang resulta ngunit pati ang proseso,” wika niya.

Kinilala rin ng Senate Minority Leader ang mga naging pagtatalo hinggil sa mga teknikalidad at kung ano ang maituturing na mahalagang ebidensya, kasabay ng pagpuri niya sa Prosecution at Defense sa pagtupad sa kani-kanilang tungkulin.

“Much has been said about technicalities. Merong relevant, merong irrelevant. So, I just want the Prosecution and Defense to know because we’re gonna go on a short break… Both sides, you’re doing a good job. Both prosecution and defense. Your job is to prosecute and defend,” wika niya.

Gayunman, iginiit ni Cayetano na habang inaasahang buong sidhing ipagtatanggol ng magkabilang panig ang kanilang mga argumento, nasa mga senator-judge ang pananagutang tiyaking mananatiling patas ang impeachment proceedings at naaayon sa due process.

“The onus is on us. May tinatawag na ‘defense senator-judge’ at ‘prosecution senator-judge.’ Wala pa akong [na-witness na] impeachment [trial] dito na hindi nangyari ‘yan,” wika niya.

Aniya, likas sa isang demokratikong sistema ang pagkakaroon ng magkakaibang pananaw at mga usaping procedural, ngunit hindi dapat maging hadlang ang mga ito sa isang patas at kapani-paniwalang impeachment trial.

“I always say democracy is messy. If we want a dictatorship, it’s less messy, but it’s a dictatorship,” wika ni Cayetano. Ernie Reyes

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here