MANILA, Philippines – Gagamitin ng gobyerno ang savings nito na P22.7 bilyon para tulungan ang mga filipino na apektado ng labanan sa Gitnang Silangan.
Ito ang sinabi ni Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro sa press briefing sa Malakanyang nang tanungin ukol sa ipon ng gobyerno kasunod ng ipinalabas na National Budget Circulars 602 at 603 ng Department of Budget and Management (DBM).
Kamakailan ay inanunsyo ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. ang pagpapalawig sa programang Unified Package for Livelihoods, Industry, Food, and Transport (UPLIFT) para matulungan ang aabot sa 37.5 milyong Pinoy o 7.5 milyong kabahayan sa bansa.
Kasunod ito ng patuloy na pagtaas ng presyo ng mga produkto—partikular na ang langis—bunsod ng tensyon sa Middle East.
“Sa ilalim ng Executive Order No. 110, inilunsad natin ang Unified Package for Livelihoods, Industry, Food, and Transport, o ‘yong UPLIFT; upang maprotektahan ang kabuhayan ng mga Pilipino at mapanatiling matatag ang ating ekonomiya. Ngayong araw, pinalawak pa natin ang suportang ito sa pamamagitan ng UPLIFT Assistance. Sa ilalim ng programang ito, mabibigyan ng agarang tulong ang 7.5 milyong kabahayan o 37.5 milyong Pilipino sa buong bansa,” ang winika ni Pangulong Marcos.
Sinabi ni Castro na popondohan ng P22.7 billion na savings ng gobyerno ang P12.57 billion na ipinalabas ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) para sa UPLIFT Assistance.
“At muli, ang mga savings na ito ay gagamitin po sa UPLIFT interventions para DMW, DOTr, mga DOE programs. Ito po ay most probably mas maibibigay doon sa mga apektado dahil sa krisis sa Middle East,” ang paliwanag ni Castro.
“Ngayon may savings na P22.79 billion… At sa ngayon po kaya po in-announce itong circulars ay para ipanawagan doon sa mga agencies na i-identify nila at i-declare kung saan nila maaaring magamit ito,” aniya pa rin.
“Pero ang priority po dito ay ang UPLIFT at ang kabuhayan po at mga pagtulong sa ating mga magsasaka. Kasama na rin po dito ang pagprotekta sa ating mga pamilyang Pilipino, workers, commuters at mga OFWs na nakaranas po ng medyo hindi magandang sitwasyon dahil dulot po ng krisis sa Middle East,” dagdag na pahayag nito. (KRIS JOSE)