MANILA, Philippines — Kabilang ang ilang aktibong uniformed personnel sa 20 persons of interest na iniimbestigahan kaugnay ng umano’y planong pagpatay kay Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., ayon sa National Bureau of Investigation.
Sinabi ni NBI Director Melvin Matibag na ang mga naturang tauhan ay kabilang sa mga indibidwal na iniuugnay sa umano’y banta laban sa Pangulo na konektado umano kay Vice President Sara Duterte.
Hindi pa tinukoy ng NBI ang pagkakakilanlan, bilang, sangay o posibleng papel ng mga uniformed personnel sa sinasabing plano. Persons of interest pa lamang ang kanilang katayuan at wala pang pormal na kasong inihahain laban sa kanila.
Sa kabila nito, sinabi ng Malacañang na walang isasagawang loyalty check sa Armed Forces of the Philippines at nananatili ang tiwala ni Marcos sa militar.
“Sa ngayon po kasi ay alam ng Pangulo kung sino ang mga kailangang mapagkatiwalaan. Hindi po ngayon nagkakaroon ng loyalty check,” sinabi ni Palace Press Officer Claire Castro.
“Nasa security na po iyan at nasa pamumuno na po iyan ng kasundaluhan,” dagdag niya.
Sinabi ni Castro na wala siyang impormasyon kung pormal nang naiparating kay Marcos ang findings ng NBI, ngunit tiniyak niyang naabisuhan na ang security team ng Pangulo.
“Wala pong naibigay sa aking impormasyon kung ito ay naibigay na na impormasyon sa Pangulo. But definitely, naibigay ito sa security ng Pangulo,” sinabi niya.
Iginiit din ni Castro na hindi naapektuhan ng ulat ang tiwala ni Marcos sa mga sundalo.
“Ngayon ay nandoon pa rin po ang tiwala ng Pangulo sa ating mga kasundaluhan,” aniya.
Gayunman, sinabi ng Palace official na dapat matukoy at mapanagot ang sinumang uniformed personnel na mapatutunayang lumabag sa tungkulin o nasangkot sa anumang banta laban sa Pangulo. RNT