Home HOME BANNER STORY Kuryente sa Pinas, pinakamahal sa Southeast Asia; EPRIA irerebyu ng Senado

Kuryente sa Pinas, pinakamahal sa Southeast Asia; EPRIA irerebyu ng Senado

1
0

MANILA, Philippines — Sinimulan ng Senado ang pagsusuri sa 25-taong Electric Power Industry Reform Act sa gitna ng mga ulat na pinakamataas sa Southeast Asia ang singil sa kuryente sa Pilipinas, taliwas sa layunin ng batas na pababain ang presyo sa pamamagitan ng kompetisyon.

Sinabi ni Sen. Erwin Tulfo, chair ng Senate Committee on Energy, na layunin ng pagdinig noong Huwebes na alamin kung naipatupad ng Republic Act No. 9136 ang mga ipinangako nitong benepisyo o kailangan na itong amyendahan upang mapabuti ang serbisyo at mapalakas ang proteksiyon sa mga consumer.

“Has EPIRA really delivered on its promises? Has it? I don’t know. That’s what we’re going to find out today,” sinabi ni Tulfo sa joint hearing kasama ang Senate committees on public services, ways and means, at finance.

Ipinatupad noong 2001 ang EPIRA upang baguhin at isapribado ang industriya ng kuryente sa layuning palakasin ang kompetisyon, pataasin ang kahusayan at pababain ang singil.

Gayunman, sinabi ni Tulfo na patuloy na nahaharap ang mga consumer sa mataas na buwanang bayarin, habang nakararanas ng madalas na brownout ang ilang lalawigan na nakaaapekto sa mga tahanan, negosyo, paaralan at ospital.

“Reliable and affordable electricity is not a luxury. It is essential to economic development, public services, education, healthcare and the quality of life of every Filipino family,” sinabi niya.

Iginiit naman ni Senate President Win Gatchalian ang pangangailangan ng mas malakas na Energy Regulatory Commission dahil malaking bahagi ng power generation, transmission, distribution at retail ay hawak ng pribadong sektor sa ilalim ng deregulated system.

“Importante po ang isang malakas at epektibong regulator (A strong and effective regulator is important),” sinabi ni Gatchalian.

Iminungkahi niyang dagdagan ang kapangyarihan at resources ng ERC upang masusing masuri ang mga singil na ipinapasa sa mga consumer, gayundin ang pagtataas sa mga parusang halos hindi nagbago mula nang ipatupad ang EPIRA.

Iminungkahi rin ni Gatchalian na huwag pagsabay-sabayin ang pagtaas ng singil sa kuryente, presyo ng gasolina at pamasahe. Dapat din umanong siyasatin ng ERC ang pass-through charges upang maiwasang maipasa sa publiko ang labis o hindi makatuwirang gastos ng mga power company.

Sinabi naman ni Senior Deputy Majority Leader JV Ejercito na bagama’t naisakatuparan ang privatization at competition sa ilalim ng EPIRA, hindi natupad ang ipinangakong pagbaba ng presyo ng kuryente.

“Higit 20 years na ang EPIRA. Natuloy ang privatization. Natuloy ang competition. Pero ang hindi natuloy ang pagbaba ng presyo ng kuryente,” sinabi ni Ejercito.

Ayon sa senador, nababawasan ng mataas na singil sa kuryente ang budget ng mga pamilya para sa pagkain, kalusugan at edukasyon. Napipilitan din ang mga negosyo na ipasa sa mga consumer ang dagdag na operating costs, habang humihina ang competitiveness ng bansa sa Southeast Asia.

“I-unbundle natin ang mga dahilan kung bakit sa kabila ng mataas na singil sa kuryente, madalas pa ring nararanasan ang brownout at hindi maayos na serbisyo,” sinabi ni Ejercito.

Susuriin ng Senado ang mga posibleng amyenda sa EPIRA, kapangyarihan ng ERC at mga hakbang upang gawing mas maaasahan at abot-kaya ang serbisyo ng kuryente. RNT

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here