MANILA, Philippines — Mahigit 2,000 sundalo ang ipakakalat upang tumulong sa pagbabantay sa kauna-unahang Bangsamoro parliamentary elections sa Setyembre 14, 2026, sa gitna ng mga pag-atakeng tumarget sa mga tauhan ng militar sa rehiyon.
Tiniyak ng Armed Forces of the Philippines na magpapatupad ito ng mahigpit na seguridad upang mapanatiling mapayapa at maayos ang halalan. Magsisilbing karagdagang puwersa ng pulisya ang mga sundalo.
“Rest assured that your Armed Forces of the Philippines particularly the Joint Task Force and 6ID, we are always here to make sure that we will have a peaceful elections. Relentless ang aming combat operations,” sinabi ni Major General Jose Vladimir Cagara ng Army’s 6th Infantry Division.
Nagpahayag din ng kahandaan ang Provincial Government of Basilan na suportahan ang mga hakbang para sa seguridad at kapayapaan.
“Nagkaroon ng joint peace security meeting na initially pero at the same time during sa peace and order council meeting pinag-usapan din para ma-identify ang areas of concern ano ‘yung pwedeng ma-support para ma raise natin sa national government at the same time ng local,” sinabi ni Basilan Governor Mujiv Hataman.
Kinondena naman ng militar ang mga nagdaang grenade attack laban sa isang sasakyang militar sa Shariff Aguak, Maguindanao del Sur, at sa isang military command outpost sa Maguindanao del Norte.
Naniniwala ang mga awtoridad na pagganti ng mga terrorist group ang mga insidente matapos ma-neutralize ang ilan sa kanilang mga miyembro at lider sa mga naunang operasyon. Patuloy ang pursuit operations laban sa mga responsable sa mga pag-atake.
“Ongoing ang ating pursuit operation. Alam naman natin this past few days, there were series of attack targeting our military troops and just yesterday we were able to again neutralize personality belonging to Panenekelan group kasi may connection din sa ating terrorist group. may mga na-neutralized tayong leaders so isang malaking set back sa kanila,” dagdag ni Cagara.
Samantala, sinabi ng Provincial Government of Maguindanao del Norte na kabilang ang alitan ng mga angkan o “rido” sa mga sanhi ng kaguluhan sa lalawigan. Gayunman, nagpapatuloy ang mga usapang pangkapayapaan ng lokal na pamahalaan.
“There should be dialogue always because if there’s no dialogue each one will not understand each other…let the law take its course kasi ‘di natin maso-solve itong problema na rido kung gawin natin sino ‘yung mamatay bayaran, siyempre ‘yung mamatay tao kailangan pumatay ng tao, ganado pumatay dahil may bumabayad,” sinabi ni Maguindanao del Norte Governor Datu Tucao Mastura. Dave Baluyot