Home NATIONWIDE 2 Navy na nasugatan sa Ayungin, ginawaran ng Order of Lapu-Lapu, may...

2 Navy na nasugatan sa Ayungin, ginawaran ng Order of Lapu-Lapu, may tig-P100K

1
0

MANILA, Philippines — Ginawaran ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ng Order of Lapu-Lapu at binigyan ng tig-PHP100,000 ayuda ang dalawang tauhan ng Philippine Navy na nasugatan sa komprontasyon sa China Coast Guard malapit sa Ayungin Shoal sa West Philippine Sea.

Personal na binisita ni Marcos noong Huwebes ang mga nasugatang sundalo na nagpapagaling sa Camp Ricarte Station Hospital sa Puerto Princesa City, Palawan. Kinilala niya ang kanilang katapangan at sakripisyo at tiniyak ang patuloy na suporta ng pamahalaan sa mga miyembro ng Armed Forces of the Philippines na nagtatanggol sa soberanya at sovereign rights ng bansa.

Ayon sa AFP, ilegal na lumapit noong Lunes sa BRP Sierra Madre ang isang rigid hull inflatable boat ng China Coast Guard na may lulan na walong tauhan. Inikutan at kinunan umano ng mga larawan at video ng mga Chinese personnel ang nakasadsad na barko, dahilan upang paalisin sila ng mga Pilipinong sakay ng dalawang rubber boat.

Nagsisilbing outpost ng Pilipinas sa Ayungin Shoal ang BRP Sierra Madre.

Sinabi ng AFP na ang mga Chinese personnel ay “reacted violently and aggressively by striking” sa mga tauhan ng Navy gamit ang mga kahoy na baton, na nagdulot ng pinsala sa mga sundalo at sa isang rubber boat ng Philippine Navy.

Kinondena ng Department of National Defense, AFP at Department of Foreign Affairs ang insidente at iginiit na hindi katanggap-tanggap ang karahasan laban sa mga Pilipinong gumaganap ng kanilang legal na tungkulin.

Nauna nang ipinatawag ni Marcos sa Malacañang si Chinese Ambassador Jing Quan upang ipahayag ang pangamba ng Pilipinas at nanawagan ng reset sa relasyon ng Maynila at Beijing upang maiwasan ang mga katulad na komprontasyon.

Sa ginanap na AFP change-of-command ceremony, muling sinabi ni Marcos na patuloy na itataguyod ng Pilipinas ang kapayapaan at diplomasya nang hindi isinusuko ang soberanya nito.

“We seek cooperation, but we will never compromise our sovereignty. We extend friendship to all, but we will never abandon our national dignity,” sinabi ng Pangulo.

Nasa Palawan si Marcos noong Huwebes para sa ilang aktibidad, kabilang ang inagurasyon ng Ibato-Iraan Small Reservoir Irrigation Project sa Aborlan at pamamahagi ng food assistance sa mga pamilya sa Puerto Princesa City. Dave Baluyot

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here