Home HOME BANNER STORY PH exports, pinatawan ng 12.5% taas-taripa ng US

PH exports, pinatawan ng 12.5% taas-taripa ng US

1
0

MANILA, Philippines – Hinikayat ang Pilipinas na palawakin ang mga merkado para sa mga produktong iniluluwas nito matapos magpatupad ang United States ng karagdagang 12.5-percent tariff sa Philippine exports.

Inanunsyo ng Office of the United States Trade Representative nitong Biyernes, Hulyo 24, oras sa Maynila, ang desisyon matapos imbestigahan ang 60 ekonomiya kaugnay ng kanilang pagpapatupad ng mga hakbang laban sa pagpasok ng mga produktong ginawa sa pamamagitan ng sapilitang paggawa.

Ayon sa resulta ng imbestigasyon ng USTR, “Philippines has failed to impose and effectively enforce a forced-labor import prohibition.”

“The United States has had a forced labor import ban for nearly a century, and rigorously enforces it; it’s well past time for our trading partners to do the same,” pahayag ni US Trade Representative Jamieson Greer.

Posibleng magkaroon ng malaking epekto ang taripa sa Pilipinas dahil nananatiling pinakamalaking export market nito ang United States. Umabot sa $13.44 billion ang iniluwas na produkto ng Pilipinas sa US noong 2025, mas mababa sa $14.5 billion noong 2024, ngunit katumbas pa rin ng 15.9 percent ng kabuuang exports ng bansa.

Sinabi ni Philippine Exporters Confederation Inc. president Sergio Ortiz-Luis Jr. na dapat magsilbing hudyat ang bagong taripa upang maghanap ang Pilipinas ng iba pang export markets. Inilarawan din niya bilang lalong “unpredictable” ang trade policy ng Washington.

“Trump is trying to weaponize tariffs against countries,” sinabi ni Ortiz-Luis sa Inquirer. “He is trying to look for other ways to impose (tariffs). He does not even consider that the Philippines is an ally of the United States.”

Inaprubahan ni US President Donald Trump ang mga parusa laban sa mga trading partner na, ayon sa Washington, ay hindi nagpatupad ng sapat na proteksiyon laban sa mga produktong ginawa gamit ang sapilitang paggawa. Dave Baluyot

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here