MANILA, Philippines – Natukoy ng Quezon City Police District sa pamamagitan ng mga kuha ng CCTV at isang P10,000 electronic money transfer ang suspek sa pagpatay sa dating Bureau of Internal Revenue commissioner at sa 52-anyos niyang kasambahay sa Barangay North Fairview.
Ayon sa pulisya, pagnanakaw ang lumalabas na motibo sa krimen. Ang suspek, na kinilalang asawa ng pamangkin ng dating opisyal ng BIR, ay nananatiling at-large.
Naganap ang pagpatay bandang alas-3 ng hapon noong Hunyo 12, ngunit Hunyo 15 lamang natagpuan ang mga bangkay matapos magreklamo ang isang kapitbahay dahil sa masangsang na amoy mula sa bahay.
“May nagreklamo na kapitbahay na may naamoy siyang masangsang na amoy mula sa kabilang bahay na agad agad nagsumbong siya sa ating kapulisan at kasama na rin yung barangay,” paliwanag ni PLt. Col. Albert Jefferson Relente, commander ng Fairview Police Station.
Natagpuan ng mga awtoridad ang mga biktima na may maraming saksak sa leeg. Siyam na saksak ang natamo ng 70-anyos na may-ari ng bahay, habang 14 na saksak naman ang tinamo ng kanyang kasambahay.
“Napag-alaman na tatlong araw na itong nangyari yung pagpatay… Bumuo agad kami ng special investigation team,” dagdag ni Relente.
Sa tulong ng mga CCTV footage, nasundan ng mga imbestigador ang galaw ng suspek matapos ang krimen. Pasado alas-4 ng hapon noong Hunyo 12, nakita siyang pumara at sumakay ng taxi sa Regalado Highway sa Quezon City.
Pasado alas-5 ng hapon, namataan naman siyang bumibili ng damit sa San Jose del Monte, Bulacan.
“Pagbili niya ng damit ito’y agad agad siyang pumunta sa CR at nagbihis. Sinusundan namin ito sa CCTV footage, nag-check in siya sa isang hotel ng three hours at pagkatapos ng three hours sumakay siya ng jeep pabalik ng Novaliches,” sabi ni Relente.
Pagbalik sa Novaliches, pumasok ang suspek sa isang establisimyento at gumamit ng electronic payment kiosk upang magpadala ng P10,000 sa isang numero.
“Nagpadala siya ng pera ng P10,000 sa isang numero. Upon follow-up operation namin na itong number ang nagmamay-ari ay pamangkin ng senior citizen na biktima,” kuwento ni Relente.
Ipinakita ng pulisya sa pamangkin ng biktima ang CCTV footage, at positibo nitong kinilala ang suspek bilang kanyang asawa.
“Pinakita namin itong CCTV footage ng suspek natin dito sa pamangkin ng senior citizen na bikima. Positibo na identify niya ito na yung kanyang asawa,” dagdag ni Relente.
Ayon sa imbestigasyon, nakararanas umano ng problemang pinansyal ang suspek.
“Napag-alaman natin na itong suspek ay naghihirap,” paliwanag ni Relente.
Kabilang sa mga ninakaw mula sa bahay ang iba’t ibang alahas, tatlong cellphone at hindi pa matukoy na halaga ng pera.
Nananatiling pinaghahanap ang suspek na sinampahan noong Miyerkules, Hulyo 23, ng two counts of murder at robbery. Santi Celario