Home METRO Grupong Pinoy sa Tsina: ‘Di kami unggoy!

Grupong Pinoy sa Tsina: ‘Di kami unggoy!

1
0

MANILA, Philippines – Nanawagan ang Filipinos Do Not Yield Movement sa China na humingi ng pampublikong paumanhin at agad alisin ang umano’y rasistang AI-generated video na naglarawan sa mga Pilipino bilang mga unggoy.

Sa isinagawang mapayapang pagkilos nitong Biyernes, Hulyo 24, ipinaabot ng grupo ang kanilang mensahe kay Chinese Foreign Minister Wang Yi at sa pamahalaan ng China.

“Hindi kami unggoy. Kami ay mga Pilipino,” matapang na pahayag ng grupo.

Nilinaw ng kilusan na hindi layunin ng kanilang pagkilos na manggulo kundi ihayag ang lehitimong panawagan ng sambayanang Pilipino.

“CHINA: WE DEMAND A PUBLIC APOLOGY! WE ARE NOT MONKEYS!”

Mariing kinondena ng grupo ang AI-generated video na inilathala ng China Daily, na ayon dito ay naglalaman ng rasistang paglalarawan sa mga Pilipino at walang lugar sa maayos na ugnayan ng mga bansa.

Hiniling nito ang agarang pagtanggal sa video at paglalabas ng pampublikong paghingi ng paumanhin mula sa China.

Kinondena rin ng grupo ang paggamit umano ng dahas laban sa mga tauhan ng Philippine Navy sa Ayungin Shoal at ang patuloy na pangha-harass sa mga barko ng Philippine Coast Guard at Bureau of Fisheries and Aquatic Resources.

Ayon sa grupo, nagsasagawa lamang ng humanitarian mission ang mga barko upang maghatid ng tulong sa mga mangingisdang Pilipino sa loob ng exclusive economic zone ng bansa sa Bajo de Masinloc.

Muling iginiit ng kilusan na dapat igalang ng China ang United Nations Convention on the Law of the Sea at ang 2016 Arbitral Award, na kumikilala sa mga karapatang pandagat ng Pilipinas sa West Philippine Sea.

Nanawagan din ito na itigil ang lahat ng anyo ng agresyon, pangha-harass at pananakot sa mga Pilipino, at alisin ang mga barko ng China na ilegal na nasa loob ng Philippine EEZ.

“CHINA ANG BULLY SA WEST PHILIPPINE SEA, HINDI ANG PILIPINAS!”

Direkta ring ipinaabot ng grupo kay Wang ang kanilang mensahe:

“Habang kayo ay nasa Pilipinas, pakinggan ninyo ang tinig ng sambayanang Pilipino. At sa inyong pag-alis, dalhin ninyo ang mensaheng ito sa Beijing: igalang ang UNCLOS, igalang ang 2016 Arbitral Award, itigil ang pangha-harass sa mga Pilipino, at alisin ang mga barko ng China na nasa loob ng Exclusive Economic Zone ng Pilipinas nang labag sa aming mga karapatan sa ilalim ng internasyonal na batas.”

Nilagdaan ang pahayag ni Filipinos Do Not Yield Movement–Alab ng Bayan convenor at spokesperson Giselle L. Albano.

“FILIPINOS DO NOT YIELD!” RNT

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here