ILOILO, Philippines — Sinusuri ng Regional Tripartite Wages and Productivity Board-6 (RTWPB-6) ang mga petisyon na humihiling ng ₱250 dagdag sa arawang sahod ng mga manggagawa sa Western Visayas.
Kung maaaprubahan, tataas ang minimum na arawang sahod mula ₱550 hanggang ₱800.
Ayon kay DOLE-6 Director Sixto Rodriguez Jr., chairman ng RTWPB-6, nananatili silang nakatuon sa isang transparent, patas, at nakabatay sa ebidensyang proseso sa pagtakda ng sahod.
Tatlong petisyon ang natanggap ng RTWPB-6 ngayong taon mula sa United Labor Western Visayas Alliance (ULWVA), Iloilo Doctors Hospital Employees Union (IDHEU), at BPO Industry Employees Network (BIEN).
Ayon sa mga petitioner, kailangan ang dagdag-sahod dahil sa patuloy na pagtaas ng gastusin dulot ng epekto ng pandaigdigang krisis sa enerhiya at ng digmaan sa Middle East.
Sa isinagawang konsultasyon, iginiit naman ng mga kinatawan ng mga negosyo na maaaring maapektuhan ang pagpapatuloy ng operasyon ng mga kumpanya kapag ipinatupad ang ₱250 umento.
Samantala, sinabi ng mga kinatawan ng health sector na nahihirapan silang mapanatili ang mga manggagawa dahil mas mataas ang sahod sa ibang bansa. Sa BPO sector naman, iminungkahi ang merit-based compensation na nakabatay sa kasanayan at uri ng trabaho.
Huling nagpatupad ng umento sa minimum na sahod ang RTWPB-6 noong Nobyembre, kung saan nadagdagan ng ₱33 hanggang ₱40 ang arawang sahod ng mga manggagawa sa pribadong sektor sa Western Visayas. Jocelyn Tabangcura-Domenden