Home NATIONWIDE PBBM: Lahat ng 82 probinsya may patient transport vehicles na!

PBBM: Lahat ng 82 probinsya may patient transport vehicles na!

4
0

MANILA, Philippines -INANUNSYO ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na ang lahat ng 82 lalawigan sa bansa ay mayroon ng Patient Transport Vehicles (PTVs) na maaaring gamitin ng local government units para ihatid ang pasyente sa medical facilities sa panahon ng emergency.

Ang bawat sasakyan ay mayroong mahalagang medical equipment, gaya ng stretcher, spine board, wheelchair, blood pressure monitor, first aid kit, at oxygen system. Mayroon din itong mga tampok na pangkaligtasan gaya ng warning device at fire extinguisher, ayon sa Presidential Communications Office (PCO).

“Today is a little different because today, by giving the PTVs that we have behind us, we have now completed 100% distribution of PTVs to every province, to every city, to every municipality in the Philippines,” sinabi ni Pangulong Marcos sa isinagawang distribusyon ng PTV sa San Fernando, Pampanga.

“Sa wakas, nakumpleto din natin ang pagbigay nitong patient transport vehicles at lahat na ng ating mga LGU. Meron tayong masasabi na magagamit nila para sa kanilang pasyente,” dagdag na pahayag nito.

Si Pangulong Marcos, kasama ang kanyang asawa na si Unang Ginang Liza Araneta-Marcos, araw ng Biyernes, pinangunahan ang distribusyon ng 34 karagdagang PTVs sa local government units sa Northern at Central Luzon.

Sa mga unit na ito, 14 ang nakalaan para sa Region III, anim sa Cordillera Administrative Region (CAR), anim sa Region I, at walo sa Region II.

Ang anim na PTVs para sa CAR ay ipinamahagi naman sa Abra, Apayao, Benguet, Ifugao, Kalinga, at Mountain Province.

Para sa Region I, isang unit naman ang ipagkakaloob sa Ilocos Norte at isang unit sa Ilocos Sur, habang makatatanggap naman ang La Union at Pangasinan ng dalawang unit bawat isa. Sa Region II, dalawang unit para sa Batanes, dalawang unit sa Cagayan, dalawang unit para sa Nueva Vizcaya, at dalawang unit para sa Quirino.

Tinuran ng Pangulo na ang PTVs ay maaaring gamitin para sa mga pasyente papunta at mula health facilities ng libre.

Aniya, ang susunod na yugto ng proyekto ay ang pagbibigay ng bangka sa local government units para masiguro ang mas mabilis na transportasyon para sa island communities.

“At kung titingnan ninyo, doon naman may display, may barko doon na maliit na ‘yun ang isusunod namin dahil syempre, maraming isla dito sa Pilipinas. Papaaano ‘pag ang pasyente ililipat, bubuhatin pa, dadalhin sa barko, bababa, etc.,” ayon sa Pangulo.

“Ngayon, ang gagawin sa design na ‘yan, isasakay na ‘yung transport, isasakay na do’n sa barko kaya ‘yung pasyente hindi na kailangan bumaba doon sa kanyang transport vehicle,” dagdag na wika nito. KRIS JOSE

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here