MANILA, Philippines – Nagbabala ang National Bureau of Investigation-National Capital Region sa publiko sa hindi akma o hindi fit for human consumption na ilang imported meat products na nasa mga kainan ngayon.
Ang babala ay ginawa makaraang mabisto ng National Bureau of Investigation-National Capital Region ang P10 milyon hanggang P12 milyon halaga ng ‘hot meat’ sa sinalakay na bodega sa Navotas at Malabon.
Ayon kay NBI-NCR Regional Director Emeterio Dongallo Jr., ipinagbabawal ang pag-angkat ng meat products mula sa ilang bansa dahil sa banta ng foot and mouth disease at iba pang sakit; dagdag pa rito, sa ilang local restaurants o eateries ay hinahaluan ng taba ng baka ang mga frozen pork diaphragm para magmistulang beef.
Nilinaw naman ni Dongallo na hindi na umaabot sa mga palengke ang hot meat dahil mismong mga negosyante o may-ari ng mga restaurant at kainan, kabilang ang ilang nagpa-pares ang suki nito.
Mabibili lang umano ng mula sa P200 hanggang P250 kada kilo ang imported hot meat na walang nakalagay na specific label, walang expiration date at country of origin.
Umaabot na aniya sa 24 tonelada ang nakumpiska nilang pekeng karne ng baka na pinaniniwalaang isinusuplay sa buong Metro Manila.
Sa isinagawang raid sa Navotas at Malabon, dalawang suspek ang arestado kabilang ang may-ari ng warehouse.
Dahil sa pangyayari, haharapin ng mga suspek ang kasong paglabag sa Meat Inspection Code of the Philippines. Dave Medina