Home NATIONWIDE National Commission lilikhain sa Senado vs electricity rate hikes, brownout

National Commission lilikhain sa Senado vs electricity rate hikes, brownout

3
0
(Cesar Morales)

MANILA, Philippines – Nais likhain ni Senate Minority Leader Alan Peter Cayetano ang isang national commission o  pambansang komisyon na tututok laban sa mataas na singil sa kuryente at paulit-ulit na brownout sa bansa.

“Hindi po sustainable na may mga area na brownout nang brownout, may mga area naman na wala pa ring kuryente until now,” pahayag ni Cayetano sa kanyang Facebook livestream nitong July 24, 2026.

Paliwanag ng Minority leader, bagama’t may Committee on Energy sa Senado at House of Representatives, hindi kasama dito ang Energy Regulatory Commission, Department of Energy, at iba pang direktang sangkot sa industriya.

Mainam aniya na pagsamahin ang mga mambabatas, energy agencies, regulators, eksperto, academe, pribadong sektor, at mahahalagang players sa power industry sa komisyon. Katulad ito ng Congressional Commission on Education (EDCOM) na binubuo ng mga mambabatas, mga eksperto, academe, at mga pinuno ng lokal na pamahalaan.

Iminungkahi rin ni Cayetano ang isang ad hoc body na masinsinang tatrabahuhin ang mga problema sa sektor sa susunod na anim na buwan.

Ginawa ng Minority Leader ang panawagan ilang araw bago ang State of the Nation Address at sa gitna ng patuloy na pagtaas ng singil sa kuryente at patuloy na brownouts ang mga consumer.

Itinaas ng Meralco ang residential rate ngayong Hulyo sa P14.8261 kada kilowatt-hour (kWh), mas mataas ng P0.3428 kada kWh sa nakaraang buwan. Katumbas ito ng dagdag na P69 sa buwanang bill ng tipikal na pamilyang Pilipino na kumokonsumo ng 200 kWh.

Anim na oras namang isinailalim sa red alert ang Visayas grid noong July 8 matapos kapusin ang available power supply dahil sa mga aberya sa transmission at power plants. Noong Mayo naman, tatlong sunod na araw na nag-red alert ang Luzon grid. Umabot sa 1.9 milyong Meralco customers ang tinamaan ng rotational brownouts noong May 13 lamang.

“Marami pong nasha-shock na ang electricity bill nila ay P2,000, naging P2,800; P22,000, naging P30,000,” wika ni Cayetano.

Bagama’t may mga hakbang naman aniya ang Department of Energy at UPLIFT Committee, iginiit niyang sa lawak ng problema ay kailangan ng isang “whole-of-government and whole-of-community approach”.

Walang ‘ghost’ sa Taguig

Sa livestream, bahagya ring tinalakay ng Minority Leader ang mga paratang tungkol sa umano’y ghost infrastructure projects sa Taguig.

“The allegations are general,” pahayag ng Taguigeñong senador. “I continue to wait kung ano ’yung specific allegation, and haharapin ko ’yan.”

Noong umaga ng Biyernes, nag-post si Senator Panfilo Lacson ng “Update No. 3” sa kanyang account sa X at sinabing may natuklasan ang kanyang grupo na “damning evidence” sa umano’y “ghost infra projects” sa Taguig. Pero walang tinukoy na partikular na proyekto o ebidensya si Lacson.

Nanindigan si Cayetano na walang nakitang ghost project sa mga paunang imbestigasyon ng barangay at city officials, pati sa mga inspeksyon ng national government personnel, lalo na ang mga proyektong may kinalaman sa kanya.

“In our preliminary investigations, wala kaming nakitang ghost. Y’ung mga nakita naming may problema, we reported it earlier. No less than the top DPWH officials from the regional to the national level have inspected some of the projects na may problema at hindi kami nagkulang na magsabing, ‘Ito mali ang pagkagawa, ito bakit ganito, ito ang tagal-tagal na,” aniya.

Muling sinabi ni Cayetano na bukas siya sa anumang imbestigasyon, pero iginiit niyang dapat suriin ang infrastructure projects sa buong bansa sa halip na i-“single out” ang Taguig. Ernie Reyes

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here