Home LIFESTYLE HEALTH DOH, pansamantalang itinigil pagbili ng suplay para sa TB program

DOH, pansamantalang itinigil pagbili ng suplay para sa TB program

1
0

MANILA, Philippines – Pansamantalang ipinahinto ng Department of Health (DOH) ang lahat ng procurement o pagbili ng mga gamot, diagnostic supplies, at iba pang kagamitan para sa tuberculosis (TB) program para sa taong 2026 sa ilalim ng isang memorandum na may petsang Hulyo 24, 2026 na nilagdaan ni Health Secretary Dr. Jose “Brix” Pujalte Jr.

Ayon sa memorandum, isinasailalim muna sa due diligence at karagdagang pagsusuri ang mga procurement activity bago ito ipagpatuloy.

Ngunit walang opisyal na pahayag ang DOH kung paano nito maaapektuhan ang iskedyul ng pagbili at distribusyon ng mga gamot at iba pang suplay para sa TB program.

Layunin ng National Tuberculosis Control Program ng DOH na matiyak ang maagap na pagsusuri, tuloy-tuloy na gamutan, at pagpigil sa pagkalat ng sakit.

Ayon naman sa mga eksperto sa pampublikong kalusugan, mahalagang hindi napuputol ang suplay ng TB medicines upang maiwasan ang pagkaantala ng gamutan, pagkalat ng impeksiyon, at pagdami ng mga kaso ng drug-resistant tuberculosis.

Samantala, lumitaw din ang mga alegasyon na umano’y palaging bukang-bibig ni Secretary Pujalte at ng bitbit nyang legal counsel na si MGT ang pangalan ni First Lady Liza Araneta Marcos kaugnay sa bawat desisyon nito sa DOH.

Ayon sa mga bulong-bulungan sa loob mismo ng Office of the Secretary, laging si “FL” umano ang sinasabing nag-uutos ng mga gagawing hakbang ni Puljate.

Kasama umano sa iniutos sa kanya ni FL ang paglilista kung sino ang mga “good or bad” na kawani ng DOH na nagdudulot ng pagkakahati-hati at pagaaway-away sa loob ng ahensya.

Pangatlo ang Pilipinas sa buong mundo sa mga bansang may pinakamataas na bilang ng kaso ng TB, kung saan umabot sa 500 bagong kaso kada 100,000 populasyon ang naitala noong 2024, base sa bagong pandaigdigang ulat ng World Health Organization (WHO) na inilabas nitong nakaraang linggo.

Pagdating sa TB incident rate ng DOH, mahigit limang beses ang itinaas ng kaso ng TB sa bawat 100,000 na katao mula sa huling datos nito noong nakaraang taon. Dahil dito, nasa ilalim ng category 1 o “severely endemic” ang ating bansa. (KRIS JOSE)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here