Home NATIONWIDE Viral video sa impeachment trial, nilinaw ni Diokno

Viral video sa impeachment trial, nilinaw ni Diokno

1
0

MANILA, Philippines – Nilinaw ni Akbayan Party-list Rep. Chel Diokno ang kumalat na video na tila nagpapakitang umamin siyang naghahanap lamang ng ebidensya laban kay Vice President Sara Duterte sa pamamagitan ng paghingi ng subpoena sa bank at tax records nito.

Ang isang minutong video ay ibinahagi ni Sen. Pia Cayetano sa Facebook at may caption na “Nagbabasakali lang?” at “Walang mga ebidensya pero nag-aakusa na!”

Ayon kay Diokno, hindi kumpleto ang ipinakitang video at ipinaliwanag lamang niya kung ano ang tinatawag na “fishing expedition.”

“With all due respect to the senator-judge at para hindi maligaw ang publiko, ito po ang konteksto at kumpleto na sinabi ko: ‘(Ang fishing expedition) ay maaaring sabihin nating nangyari kung only if the party requesting the evidence or documents ay nagbabakasakali lang, baka may makuha tayo dito.’”

Sinabi ni Diokno na ang kahilingan para sa subpoena ay nakabatay sa probable cause at sa mga ulat ng Anti-Money Laundering Council (AMLC) tungkol sa mga bank account ni Duterte at ng kanyang asawang si Manases Carpio. Aniya, kailangan ang mga bank records upang ma-verify ang AMLC reports.

Noong oral arguments, sinabi rin ni Diokno na ang subpoena ay hindi katulad ng search warrant dahil layunin lamang nitong iprisinta ang mga dokumentong kailangan sa paglilitis.

Samantala, sinabi ng Akbayan na nalungkot ito sa pag-post ng video ng isang senator-judge at iginiit na hindi nararapat na gamitin ang isang spliced video na maaaring makalito sa publiko.

Nauna nang inaprubahan ng Senate impeachment court ang kahilingan ng prosecution na maglabas ng subpoena para sa bank records, tax records, at AMLC records nina Duterte at Carpio bilang posibleng ebidensya sa kasong may kaugnayan sa umano’y unexplained wealth. RNT/MDS

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here