MANILA, Philippines – Nagpaabot ng pagbati si Vice President Sara Duterte sa ika-112 anibersaryo ng Iglesia ni Cristo (INC) kasabay ng pagtukoy sa ambag ng grupo sa nation-building.
Sa video message na inilabas ng Office of the Vice President, inilarawan ni Duterte ang INC bilang “a pillar of faith and unity” na patuloy na nagsisilbi sa mga Filipino sa bansa at abroad.
“Sa pamamagitan ng inyong mga programa sa edukasyon, kabuhayan, at mabilis na pagtugon sa mga sakuna, patuloy ninyong ipinapakita ang tunay na kahulugan ng malasakit sa kapwa Pilipino, hindi lamang sa Pilipinas kundi sa iba’t ibang panig ng mundo,” sinabi ni Duterte.
Ayon sa Bise Presidente, ang bansa ay patuloy na humaharap sa economic at moral challenges sabay sabing ang disiplina at liderato ng INC ay tumutulong sa mga miyembro nito “toward righteousness and peace.”
“Nawa’y magpatuloy ang INC bilang katuwang sa pamahalaan sa pagpapatibay ng karakter ng ating mamamayan at sa pagtataguyod ng mas ligtas at maunlad na bansa,” aniya.
Nag-alay din ito ng panalangin sa patuloy na paglago ng simbahan sa ilalim ng liderato ni Executive Minister Eduardo V. Manalo.
“I wish the entire Iglesia ni Cristo a blessed anniversary. May your shared faith and devotion continue to strengthen the foundations of our nation,” dagdag ni Duterte. RNT/JGC