MANILA, Philippines – Inatasan ng Office of the Ombudsman si Leyte Rep. at dating House Speaker Martin Romualdez na magsumite ng sagot sa mga reklamong plunder, graft, at direct bribery na isinampa laban sa kanya.
Ayon kay Assistant Ombudsman Mico Clavano, naglabas na ang preliminary investigation team ng utos para magsumite ng counter-affidavit si Romualdez at ang iba pang mga respondent.
“I can confirm that an order to file counter-affidavit has been issued by the preliminary investigation team to former Speaker of the House, Martin Romualdez, as well as the rest of the respondents.”
Mayroon silang 15 araw mula sa pagtanggap ng kautusan upang magsumite ng kanilang sagot. Kapag naisumite na ng lahat ng panig ang kanilang mga dokumento, isusumite na ang kaso para sa resolusyon.
Kabilang din sa mga respondent sina Atty. Jose Paras, Jocelyn Sereno, Hermogene Real, D.S. Tantuico and Associates, at Samchan Foreign Exchange Corporation kasama ang mga board directors nito.
Nanindigan naman si Romualdez na wala siyang nilabag na batas.
“Masakit man ito sa aming pamilya, iginagalang ko ang naging pahayag ng Pangulo. Hindi ako kailanman humingi ng pabor o espesyal na pagtrato. Sang-ayon ako na gawin natin ang tama.”
“Ang tama ay ang sumunod sa proseso at hayaan ang ebidensya ang magsalita. Naninindigan akong wala akong ginawang anumang labag sa batas. At handa akong patunayan ito.” RNT/MDS