Home HOME BANNER STORY VP Sara: ‘Wag nang umasang makukulong si Romualdez

VP Sara: ‘Wag nang umasang makukulong si Romualdez

2
0

MANILA, Philippines — Sinabi ni Vice President Sara Duterte na hindi dapat asahan ng publiko na makukulong si dating House Speaker Martin Romualdez at iba pang mambabatas na umano’y sangkot sa anomalya sa flood control projects.

Sa isang panayam sa The Hague, Netherlands, kinuwestiyon ni Duterte ang pahayag ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa kanyang ikalimang State of the Nation Address (SONA) na mananagot ang mga sangkot sa kontrobersiya.

“Di ba ‘yan din yung sinabi niya last year, bago mag-December may makukulong na. So meron bang makulong bago mag-Christmas?” sinabi ni Duterte.

“So huwag niyo na i-expect na makulong ‘yang dating speaker o mga members ng House of Representatives,” dagdag niya.

Sa kanyang ikalimang SONA noong Lunes, Hulyo 27, sinabi ni Marcos na malapit nang magsampa ang Ombudsman ng maraming kaso laban sa isang dating House Speaker.

“Masakit man sa akin ito, pero kailangan nating gawin ang tama,” pahayag ni Marcos.

Sinabi naman ni Duterte na hindi niya pinanood ang SONA dahil isa umano itong “a waste of time.”

Iginiit din ng Bise Presidente na hindi maaaring ilayo ni Marcos ang sarili sa flood control scandal dahil siya ang lumagda sa pambansang badyet.

“Unfortunately, hindi niya pwedeng gawin na ilayo niya yung sarili niya doon sa corruption sa flood control scandal kasi siya yung pumirma ng budget,” sinabi ni Duterte.

Ayon sa kanya, ang pagpirma sa badyet sa kabila ng umano’y maraming insertions ay isa sa mga batayang binanggit sa impeachment case laban sa Pangulo.

“Yun yung impeachable offense don. Pumirma ka ng budget na alam mo madaming insertions. Na alam mo yung NEP mo hindi na siya yung lumabas na GAA,” sinabi ni Duterte.

“At kahit pa man na nakikita mo na mayroong anomalya doon, pinirmahan mo ka rin yung budget. Kaya hindi niya pwedeng ilayo yung sarili niya just by saying na ako yung Presidente na nagsabi na mahiya naman kayo at ako yung Presidente na nagpakulong,” dagdag niya.

Tinawag din ni Duterte na “PR stunt” ang pahayag ni Marcos na “mahiya naman kayo” sa kanyang ikaapat na SONA, na aniya’y ginamit upang mailayo ang sarili sa kontrobersiya.

“At saka, yung sinabi niya na mahiya naman kayo, it was a PR stunt na sinali nila yung linya na yun sa speech niya na nag-backfire,” sinabi ni Duterte.

“So, sinasabi niya na lang ‘yan ngayon na parang ako yung nagsabi ng mahiya naman kayo para mailayo niya yung sarili niya doon sa flood control scandal,” dagdag niya. Dave Baluyot

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here