MANILA, Philippines — Bugbog-sarado ang isang lalaking guro ng dalawang menor de edad na estudyante sa Elizalde National High School sa Maco, Davao de Oro, noong Lunes, Hulyo 27, matapos niyang sitahin ang isa sa mga ito dahil sa pagsusuot ng hikaw na labag sa patakaran ng paaralan.
Batay sa salaysay ng guro sa Maco police, nagalit ang estudyante nang sitahin dahil sa hikaw at sinuntok siya sa mukha. Sumali rin sa pananakit ang kapatid ng estudyante at sinuntok ang guro mula sa likuran.
Tumagal nang ilang segundo ang insidente bago namagitan ang ibang mga estudyante at napahinto ang pananakit.
Ayon sa Department of Education (DepEd) Davao Region, isinangguni na ang insidente sa guidance office ng paaralan para sa kaukulang administratibong aksyon.
Dinala naman ang dalawang estudyante sa Municipal Social Welfare and Development Office, habang iniimbestigahan na ng DepEd Davao de Oro Division ang insidente.
“We are still awaiting the final and official incident report coming from the Schools Division Office of Davao de Oro. The teacher submitted himself for a medical intervention because of what transpired,” pahayag ni DepEd-11 spokesperson Jenielito Atillo. Mary Anne Sapico