GENEVA — Lumobo ang human trafficking patungo sa mga scam compound sa Asia, kung saan mga biktima mula sa mahigit 80 bansa ang nahihikayat sa pamamagitan ng pekeng online job offers, babala ng International Organization for Migration.
Ayon sa UN migration agency, aabot sa 300,000 manggagawa ang nasa malalaking scam center sa Myanmar, Cambodia, at Laos upang magsagawa ng online fraud na kadalasang bumibiktima sa mga nakatatanda sa mga bansang Kanluranin.
Marami sa mga manggagawa ang naloko rin ng mga advertisement na nangangako ng mataas na sahod para sa mga aplikanteng mahusay sa English at nakapagtapos ng kolehiyo.
Kapag nakapasok na sa compound, kinukuha ang kanilang mga dokumento at sapilitang pinagtatrabaho sa online scam gamit ang karahasan, pagbabanta, at pamimilit. Ang ilan ay nakararanas din ng sexual abuse, solitary confinement, pagkakautang, diskriminasyon, at matinding trauma.
“People trapped in scam compounds are victims of trafficking, forced to commit crimes through violence, threats and coercion,” pahayag ni IOM Director General Amy Pope.
“We must work together to support survivors, stop traffickers and close the gaps these criminal networks exploit,” dagdag niya.
Tinatayang sampu-sampung libo na ang na-traffick patungo sa mga compound. Nakatulong na rin ang IOM sa mga biktima mula sa humigit-kumulang 30 bansa na na-recruit sa maling pangako.
“The significant networks are based within Asia, but because of social media, because of the ability to now reach people in many, many countries, their reach has expanded quite significantly,” sinabi ni Pope.
Kahit makatakas o mailigtas sa mga raid ng gobyerno, ang ilang biktima ay nahaharap pa rin sa banta ng pag-uusig.
Pinuri ni Pope ang mas pinaigting na pagkilos ng Thailand sa pagtukoy sa mga scam compound ngunit sinabi niyang kailangan pa ng mas malawak na operasyon sa mga liblib na lugar na mahina ang pagpapatupad ng batas.
Nanawagan ang IOM ng mas matibay na proteksiyon sa mga biktima, ligtas na pagbabalik at reintegration, at mas malawak na kampanya upang makilala ng publiko ang mga modus ng traffickers. Dave Baluyot