Home METRO Senior citizen na dadalo sa hearing, pinagbabaril sa Iloilo

Senior citizen na dadalo sa hearing, pinagbabaril sa Iloilo

1
0

ILOILO, Philippines — Patay ang isang 62-anyos na lalaki matapos tambangan at pagbabarilin habang papunta sa korte kasama ang kaniyang 14-anyos na anak na babae nitong Martes ng madaling-araw sa Iloilo.

Sakay ng motorsiklo ang mag-ama nang sandaling huminto sa Barangay Dangulaan, Anilao, upang may kausapin.

Ayon sa pulisya, patungo sila sa korte sa Barotac Viejo para sa pagdinig ng kasong kinakaharap ng biktima nang tambangan ng mga salaring sakay din ng motorsiklo.

Nakatakbo pa ang biktima ngunit hinabol at paulit-ulit na pinagbabaril. Hindi naman nasaktan ang kaniyang anak.

Nagtamo ang biktima ng humigit-kumulang 10 tama ng bala sa iba’t ibang bahagi ng katawan. Nakarekober ang mga imbestigador ng 16 basyo ng bala mula sa kalibre .45 na baril sa pinangyarihan.

Sinabi ni Police Capt. Ma. Rosela Buenvenida, officer-in-charge ng Anilao Municipal Police Station, na posibleng may kaugnayan sa kasong kinakaharap ng biktima ang pamamaril.

Batay sa paunang impormasyon, kinasuhan umano ang biktima ng grave threats at nagsampa rin ito ng kontra-demanda.

May mga testigo ring nakakita umano sa mukha ng mga salarin dahil hindi sila nakatakip ng mukha. Patuloy ang pagtugis ng pulisya sa mga suspek. Mary Anne Sapico

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here