MANILA, Philippines – Ilalantad sa mga pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee ang mga “delicious” na detalye sa likod ng mga maanomalyang infrastructure project sa Taguig City, ang balwarte ni disgrasyadong ex-Senate President Alan Peter Cayetano, ayon kay Sen. Panfilo “Ping” M. Lacson nitong Miyerkules.
Ani Lacson, na nagsumite ng mga ebidensya hinggil sa mga kuwestiyonableng proyektong pang-imprastraktura sa Ombudsman nitong nakaraang Martes, na tatalakayin sa mga pagdinig ang hindi bababa sa limang case studies na isinagawa nila ng kanyang team.
“‘Malicious pero delicious’ – bumigay na yata. Kung anu-ano na pinagsasabi. The public may partake of the ‘delicious’ part if they watch the Blue Ribbon Committee hearings where the details of the truth behind the 5 Taguig case studies that we submitted to the Ombudsman will be exposed,” aniya sa isang post sa X.
Tinutukoy niya ang pahayag ni Cayetano na “malicious” ang mga ibinunyag ni Lacson tungkol sa mga proyektong pang-imprastraktura sa Taguig, na sinagot naman ni Lacson sa pagsasabing ang “delicious” na mga detalye ay ilalahad sa mga pagdinig.
Noong Martes, sinabi ni Lacson na naipasa na sa Office of the Ombudsman ang mga ebidensyang kanilang nakalap sa ngayon, at maaaring sapat ang mga ito upang maging batayan sa pagsasampa ng mga kasong plunder, malversation, at paglabag sa Anti-Graft and Corrupt Practices Act.
Ayon kay Lacson, ang mga anomalya sa Taguig City ay kakaiba kumpara sa mga nauna nilang case studies sa Bulacan dahil gumamit ang mga ito ng kombinasyon ng “old and new tricks.”
Mula 2020 hanggang 2025 pa lamang, sinabi niya na umabot na sa P14.4 bilyon ang halaga ng mga proyektong pang-imprastraktura sa Taguig — “and still counting.”
Ngunit binigyang-diin ni Lacson na kahit patuloy silang magsusumite sa Ombudsman ng iba pang mga ebidensyang maaari pa nilang makuha, hindi nito hinahadlangan ang anumang hakbang na maaaring gawin ng Blue Ribbon Committee.
“It doesn’t preclude any action that the BRC may take in the course of the committee’s investigation of the flood control anomalies, depending on the chairman and the members’ appreciation,” aniya. Ernie Reyes