MANILA, Philippines – Inilunsad ng GCash ang Bagong Proteksyon para sa milyong-milyong Pilipino kung saan magbibigay ng libreng health insurance sa pamamagitan ng Buy load.
Simula ngayong Hulyo 30, gagawing mas sulit ang pagbili ng load. Sa pakikipagtulungan ng GCash at FPG Insurance sa ilalim ng GInsure, bibigyan na ng libreng health at accident insurance ang mga eligible na user tuwing gagawa ng Buy Load transaction sa GCash app.
Mahalaga ito ngayon dahil mababa pa rin ang insurance penetration sa Pilipinas sa mas mababa sa 2%. Pero milyun-milyon ang bumibili ng load araw-araw kaya naman ginawa ito ng GCash para gawing oportunidad ang proteksyon.
“Gusto naming tiyakin na kahit sa simpleng pagbili ng load, may kasama nang dagdag na seguridad ang bawat Pilipino nang walang dagdag na bayad,” sinabi ni Winsley Bangit, VP at Group Head ng New Businesses sa GCash.
Kasama sa libreng insurance sa Buy Load ang hanggang P30,000 na coverage sa kalusugan at aksidente, P10,000 na accidental death coverage sa bawat pagbili ng load. Maaring umabot hanggang P30,000 sa tatlong magkakahiwalay na eligible load purchases.
Mayroon ding income assistance na P500 kada araw kapag na-ospital dahil sa sakit o aksidente hanggang limang araw.
Gayundin ang P10,000 na disablement benefit para sa user o sa kanilang benipisyaryo bilang safety net.
Inilunsad ng GCash ang inisyatibong ito bilang tugon sa nagbabagong pangangailangan ng mga user. Marami pa rin sa mga Pilipino ang hindi lubos na nagtitiwala sa digital transactions at mas sanay sa offline methods.
“Hindi lang ito tulong pinansyal .Para ito sa pamilya– para hindi na sila mas malugmok sa utang kapag may biglaang gastos sa ospital o nawala ang kita habang nagpapagaling,” ayon kay Ren-Ren Reyes, President at CEO ng G-Xchange, Inc.
Para sa mga Pilipino na sanay pa sa cash at offline transactions, sa pamamagitan ng pagsasama ng insurance sa Buy Load, hinikayat ng GCash ang mas maraming tao na mag-digital dahil bawat load mo, may kasama nang proteksyon. Jocelyn Tabangcura-Domenden