MANILA, Philippines – Naghain si Senador Christopher “Bong” Go ng Senate Bill No. 2329 upang palawigin ang estate tax amnesty hanggang Disyembre 31, 2028 at mabigyan ng mas mahabang panahon ang mga pamilyang Pilipino na mabayaran ang kanilang estate tax at mailipat nang legal ang mga minanang ari-arian.
Ayon kay Go, nahihirapan ang maraming pamilya na ayusin ang ari-arian ng yumao dahil sa mataas na gastos at komplikadong proseso.
“This proposal aims to provide them with more sufficient time and a less burdensome way to fulfill their obligations,” aniya.
Layunin ng panukala na amyendahan ang Republic Act No. 11213 o Tax Amnesty Act. Saklaw nito ang mga ari-arian ng mga taong namatay noong o bago ang Disyembre 31, 2024, kahit may tax assessment na, basta hindi pa nababayaran ang estate tax.
Sa kasalukuyang batas, hanggang Mayo 31, 2022 lamang ang saklaw ng estate tax amnesty. Palalawakin ng panukala ang saklaw upang maisama ang mas mga bagong kaso.
Pinapayagan din ng panukala ang electronic o manual filing ng Estate Tax Amnesty Return at ang hulugang pagbabayad sa loob ng dalawang taon nang walang civil penalties at interes, basta makapagbayad muna ng hindi bababa sa 25 porsiyento ng kabuuang halaga.
Kapag natapos ang pagbabayad at nasunod ang lahat ng requirements, ang mga sakop na ari-arian ay magkakaroon ng immunity sa hindi nabayarang estate tax, mga karagdagang singil, at kaugnay na civil, criminal, at administrative cases at penalties para sa sakop na panahon.
Ayon kay Go, marami pa ring pamilya ang nahihirapang ayusin ang mga ari-arian matapos ang COVID-19 pandemic, na nagdulot ng biglaang pagkamatay at dagdag na gastusin sa maraming tahanan.
“Many families have endured more than just grief; they also have to deal with expenses and paperwork related to the assets left behind. Every peso counts, especially for ordinary Filipinos who continue to face the crisis. We must give them a reasonable opportunity to settle these matters,” dagdag niya. RNT/MDS