MANILA, Philippines – Inutusan ng Philippine National Police (PNP) ang Anti-Cybercrime Group (ACG) na tukuyin at arestuhin ang mga nasa likod ng mga social media account na umano’y ginamit upang mag-udyok ng kaguluhan sa publiko noong ikalimang State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Ayon kay PNP chief PGen. Jose Melencio Nartatez Jr., pinaigting na ang cyber monitoring at digital forensic investigation ng ACG kasama ang Cybercrime Investigation and Coordinating Center (CICC) at iba pang ahensya.
“The PNP, through our Anti-Cybercrime Group and in close coordination with the CICC and other partner agencies, is actively pursuing all available leads to identify those behind these online accounts,” aniya.
Nauna nang sinabi ng CICC na may siyam na social media account na umano’y konektado sa mga hacker group na naghikayat ng kaguluhan at pagtitipon sa araw ng SONA noong Hulyo 27.
Ayon sa mga awtoridad, naalis na ang mga account matapos mapreserba ang kanilang digital data para sa forensic examination at maipasa ito sa mga law enforcement agency.
“We respect every Filipino’s right to free expression but we will take appropriate legal action against individuals who use digital platforms to incite violence, spread credible threats, or facilitate criminal activities,” dagdag ni Nartatez.
Maaaring maharap sa mga kasong computer fraud, identity theft, grave threats, at inciting to sedition or rebellion ang mga nasa likod ng mga account.
Iniimbestigahan din ng PNP ang posibleng kaugnayan ng online activity sa dalawang hinihinalang insidente ng improvised explosive device (IED) noong araw ng SONA—ang isa ay pagsabog sa harap ng Department of Justice (DOJ) at ang isa naman ay pagkarekober ng hinihinalang IED malapit sa Senate complex.
Sinabi ni Nartatez na mayroon nang mga lead ang mga imbestigador tungkol sa mga posibleng responsable, ngunit tumanggi siyang magbigay ng karagdagang detalye habang nagpapatuloy ang imbestigasyon. RNT/MDS