MANILA, Philippines – Pinalalakas ng Office of the Ombudsman ang mga probisyon tungkol sa plunder, asset recovery, bribery, at iba pang reporma sa panukalang Philippine Code of Crimes.
Nakipagtulungan ang Ombudsman sa United Nations Office on Drugs and Crime (UNODC) sa isang technical writeshop noong Hulyo 28 sa Pasig upang pagbutihin ang joint position paper at mga teknikal na komento para sa patuloy na pagrebisa ng mga batas kriminal ng bansa.
Ayon sa Ombudsman, ang writeshop ay nakabatay sa United Nations Convention Against Corruption.
Tinalakay sa aktibidad ang pagpapalakas ng mga batas laban sa bribery, illicit enrichment, plunder, asset recovery, abuse of functions, at pananagutan ng mga legal na entidad, kasama ang iba pang mahahalagang reporma.
Layunin din ng mga talakayan na iayon ang mga batas ng Pilipinas sa international anti-corruption standards at tiyaking epektibong matutugunan ng panukalang Code of Crimes ang mga bagong hamon sa pamamahala.
Nangako ang Ombudsman na ipagpapatuloy nito ang mga repormang nagtataguyod ng integridad, pananagutan, at rule of law, at susuporta sa pagbuo ng mas matibay at malinaw na legal framework upang mapalakas ang tiwala ng publiko at magkaroon ng mas transparent, responsive, at corruption-resistant na Pilipinas. RNT/MDS