MANILA, Philippines – Apat na pasahero na dumating mula sa Bangkok, Thailand ang inaresto matapos makumpiskahan ng hinihinalang marijuana ang walong piraso ng kanilang bagahe sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 3 nitong Huwebes, Hulyo 30.
Ayon sa Bureau of Customs-Ninoy Aquino International Airport (BOC-NAIA), tinatayang 41,551 gramo ng hinihinalang marijuana na may kabuuang halaga na humigit-kumulang ₱62.326 milyon ang natuklasan sa isinagawang pisikal na inspeksiyon sa mga bagahe ng apat na pasahero.
Nabatid na isinailalim sa masusing pagsusuri ang walong bagahe matapos makitaan ng kahina-hinalang laman sa X-ray screening at K9 inspection na isinagawa ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA).
Patuloy pa ang pagsusuri at imbestigasyon sa insidente sa pangunguna ng BOC, katuwang ang PDEA, Bureau of Immigration (BI), at iba pang law enforcement agencies.
Ayon sa BOC, maglalabas pa sila ng karagdagang detalye kaugnay sa kaso habang nagpapatuloy ang operasyon at imbestigasyon. JAY Reyes