Home NATIONWIDE COA witness ilalahad kung saan napunta P612M confidential funds; mga ebidensya sunod...

COA witness ilalahad kung saan napunta P612M confidential funds; mga ebidensya sunod na ilalahad – Rep. Chua

2
0

MANILA, Philippines – Matapos mapatunayan ang paglabas at encashment ng P612.5 milyong confidential funds, ililipat na ng prosekusyon ang pokus sa pag-ugat kung paano ginamit, niliquidate, at nagasta ang naturang pondo na napunta sa Office of the Vice President (OVP) at Department of Education (DepEd) sa ilalim ng panunungkulan ni Vice President Sara Duterte.

Ayon kay House prosecutor at Manila Rep. Joel Chua, ang susunod na hakbang ay tututok sa Commission on Audit (COA) upang siyasatin ang mga dokumentong isinumite at ang mga natuklasan matapos suriin ang mga pondong ito.

“ang susunod na ipe-presenta natin, COA dahil eto naman yung paano ginamit. Paano ni-liquidate. Saan dinala,” ani Chua.

Dalawang opisyal ng COA ang ihaharap ng prosekusyon na bagong testigo sa Lunes, Agosto 3. para patunayan ang akusasyon ng culpable violation of the Constitution, graft and corruption, at betrayal of public trust  kaugnay ng maling paggamit ng mga confidential fund.

Sa ika 10 araw ng trial ay kapwa kinumpirma  nina dating Land Bank of the Philippines (LandBank) branch managers Violeta Constantino at Nenita Camposano ang encashment ng apat na tseke ng OVP na nagkakahalaga ng P125 milyon bawat isa sa LandBank Shaw Boulevard branch, gayundin ang tatlong tseke ng DepEd na nagkakahalaga ng P37.5 milyon bawat isa sa LandBank DepEd branch sa pagitan ng Disyembre 2022 at Hulyo 2023.

Ayon sa mga saksi, ang malaking halaga ng pera ay inilabas sa mga bundle at inilagay sa malalaking bag na tila mga gym bag.

Sinabi ni House prosecution spokesperson  Lanao del Sur Rep. Zia Alonto Adiong na sa mga susunud na araw ng paglilitis ay ipapakita ng prosekusyon ang naging paraan ng paghawak ng milyong pondo.

“Sabay-sabay po natin sundan ang money trail dahil ang pagpapaliwanag para sa taong-bayan mula po sa kanilang pondo o pera ay hindi dapat magtapos sa apat na gym bags,” ani Adiong.

Binigyang-diin ni Adiong na napatunayan ng mga testimonya ng LandBank managers na ang pera ng taumbayan mula sa National Treasury ay tuwirang napunta sa mga awtorisadong kinatawan ng Bise Presidente. Gail Mendoza

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here