MANILA, Philippines – Kinalampag ang Malakanyang at Commission on Higher Education na ilabas na ang resulta ng iniutos na imbestigasyon sa mga kontrobersyang kinasangkutan ni Mindanao State University System President Atty. Paisalin Pangandaman Tago matapos sumambulat ang panibagong kontrobersiya sa loob ng state university.
Sa social media posts ng “MSU Main Campus Community,” inakusahan ng katiwalian si MSU Executive Vice President Dr. Abdulcader Maruhom Ayo kaugnay sa umano’y “Diploma Mill” sa unibersidad at pagbabayad sa mga “thesis” upang matiyak ang pagpasa ng mga estudyante.
“Burado” o ‘deleted’ na ngayon ang mga nasabing socmed posts at napalitan na ng ilang komentong nagtatanggol kay Dr. Ayo.
Hamon pa ng MSU Institute for Peace and Development in Mindanao, dapat maglabas ng mga ebidensiya ang mga nag-aakusa kay Dr. Ayo.
Tumaas pa ang posisyon ni Dr. Ayo sa MSU mula sa dating Dean of College sa Sharia Law nang italaga naman ni Pang. Marcos Jr. si Atty. Tago bilang MSU System President noong isang taon.
Nakuha ni Tago, na dating BARMM Parliament Deputy Speaker, ang nasabing posisyon dahil sa suporta ng kanyang pinsan na si dating Budget Secretary Amenah Pangandaman.
Napilitang magbitiw si Pangandaman bilang DBM secretary noong nakaraang Nobyembre matapos makaladkad ang pangalan sa bilyones na flood control project scam subalit muling nakabalik sa gobyerno kamakailan.
Nitong Hulyo 10, itinalaga ni Pang. Marcos Jr., bilang ‘Chairperson/Chief Executive Officer’ ng Al-Amanah Islamic Investment Bank si Pangandaman.
Bunga naman ng dumaraming reklamo kay Atty. Tago, sinabi ni Palace Spokesperson Atty. Claire Castro noong Mayo 18 na inatasan na si Commission on Higher Education Chairperson Shirley Agrupis na imbestigahan ang mga bintang laban sa opisyal.
Ilan sa mga bintang laban kay Tago ay may kinalaman sa umano’y regular na “payola” galing sa isang pribadong kontraktor sa MSU, “magastos” na mga pagkumpuni sa MSU Administration Building at MSU Guest House na walang malinaw na ‘Program of Works.’
Nababalam na rin umano ang suweldo ng mga empleyado at aabot na umano sa 400 ang mga inalis sa kanilang mga pwesto.
Wala pa ring linaw mula sa CHED ang reklamo hinggil sa kinansela ni Tago na ‘Off-Campus Student Assemblies’ noong Abril kung saan nabaon umano sa utang ang mga magulang at estudyante mula sa College of Medicine at College of Agriculture. RNT