MANILA, Philippines — Magpapatupad ang Department of Education (DepEd) ng apat na antas upang matukoy kung dapat ipagpatuloy, bagalan o ihinto ang pag-aaral sa panahon ng bagyo, lindol, matinding init at iba pang emergency.
Sa ilalim ng DepEd Order No. 014, s. 2026, o “Guidelines on Learning Continuity in Emergencies,” gagamitin ng mga paaralan ang Hayo, Hinay, Hinga at Hinto batay sa kaligtasan, kapakanan at kahandaan ng mga mag-aaral at guro.
Hindi nito pinapalitan ang umiiral na patakaran sa suspension ng klase. Sa halip, gagabay ito sa mga paaralan kung paano ipagpapatuloy ang pag-aaral matapos ang emergency o suspensyon.
“This [DepEd Order] focuses on learning continuity through the delivery of quality teaching and learning in times of emergencies, crises, and other disruptions to prevent learning loss. Learning continuity is anchored on the belief that well-being is critical to an individual’s capacity to teach and learn,” nakasaad sa kautusan.
Ang Hayo ay ipatutupad kapag ligtas, kalmado at handa ang mga guro at mag-aaral para sa regular na face-to-face classes. Magpapatuloy ang kurikulum sa normal na bilis at hindi dapat agad ibaba ang academic expectations.
Ang Hinay ay para sa bahagya hanggang katamtamang disruption at mild stress. Magpapatuloy ang klase sa mas mabagal na paraan gamit ang online classes, digital o printed modules, broadcast materials at learning packets.
Maaaring bawasan ang mga asignatura, paikliin ang activities at ituon ang assessment sa mahahalagang competency. Hanggang tatlong sunod na araw lamang maaaring ipatupad ang Hinay bago muling suriin ang learning goals.
Ang Hinga ay ipatutupad kapag nagdulot ang emergency ng matinding stress, displacement o malaking disruption. Babawasan nang husto ang academic requirements at bibigyang-prayoridad ang kaligtasan, kapakanan at patuloy na ugnayan ng mag-aaral sa paaralan.
Magsasagawa ang mga guro ng safety at well-being check-ins. Gagawing simple at trauma-informed ang learning materials, habang magiging optional at low-stakes ang formative assessments.
Hanggang apat na sunod na araw maaaring tumagal ang Hinga. Dapat lumipat sa Flexible Learning Program kung magpapatuloy ang emergency.
Ang Hinto ay para sa lubhang mapanganib na kondisyon, matinding pinsala sa imprastraktura, o kung nanganganib ang proteksiyon at pangunahing pangangailangan ng mga mag-aaral.
Ganap na ihihinto ang academic learning habang inuuna ang emergency response, relief, proteksiyon at mental health at psychosocial support.
Maaaring ipatupad ang Hinto nang hanggang limang sunod na araw. Kapag naibalik ang minimum na kaligtasan at katatagan, maaaring lumipat ang paaralan sa flexible learning.
Hindi awtomatikong nangangahulugan ang class suspension na isang partikular na continuity level ang ipatutupad. Ang school head ang magpapasya batay sa aktuwal na kalagayan.
May karapatan din ang mga magulang at legal guardian na magpasya kung ligtas para sa kanilang mga anak ang pumasok, batay sa pisikal at mental na kondisyon ng mga ito, kahit walang opisyal na suspension.
Kapag sabay-sabay ang ilang hazard, dapat gamitin ang interventions sa mas mataas na learning continuity level.
Mananatili ang umiiral na automatic suspension rules. Sa Tropical Cyclone Wind Signal No. 1, suspendido ang Kindergarten. Sa Signal No. 2, suspendido ang face-to-face classes mula Kindergarten hanggang Junior High School.
Sa Signals No. 3 at 4, suspendido ang trabaho, Alternative Learning System activities at face-to-face classes sa lahat ng antas.
Para sa matinding init, itinuturing na “Caution” ang 27°C hanggang 32°C, “Extreme Caution” ang 33°C hanggang 41°C at “Extreme Danger” ang 42°C hanggang 52°C.
Hindi awtomatikong suspendido ang klase sa mga antas na ito, ngunit maaaring magdeklara ang local chief executive batay sa sitwasyon.
Kailangang gumawa ang bawat paaralan ng taunang Learning and Service Continuity Plan bago magbukas ang school year at i-update ito kada term. Kailangan ding alamin kung may access ang mga guro at mag-aaral sa gadgets, internet at iba pang learning resources.
Dapat iulat ng school heads ang learning continuity status sa DepEd EiE: Learning Continuity mobile application sa loob ng unang 12 oras ng disruption at magbigay ng update kada 24 oras hanggang bumalik sa Hayo.
Maaaring gumamit ng ibang reporting system kung walang kuryente, cellular signal o iba pang imprastraktura. Ang Schools Division Office ang mag-uulat kung hindi ito magawa ng paaralan.
Kung lilipat sa Hinay, Hinga o Hinto habang nasa campus pa ang mga estudyante, dapat silang bigyan ng learning materials at emergency learning kits na sapat para sa isang linggo bago pauwiin kung hindi pa naipamahagi ang mga ito.
Sa in-person Hayo classes lamang maaaring magsagawa ng periodical examinations. Kailangang i-reschedule ang naantalang pagsusulit at bigyan ng sapat na panahon ang mga estudyante upang muling makapag-adjust.
Hindi pahihintulutan ang work immersion ng Senior High School students sa panahon ng Hinay, Hinga at Hinto.
Hindi rin lahat ng suspension ay mangangailangan ng makeup classes. Kailangan lamang ito kapag bumaba sa 90 porsiyento ng mandatory contact days ang aktuwal na bilang ng araw ng klase.
Babalik lamang sa Hayo kapag handa na ang mga mag-aaral at guro, sapat ang resources at idineklara ng awtorisadong inspector na ligtas ang mga nasirang pasilidad.
“The return to regular pacing shall be gradual, ensuring that academic acceleration does not compromise foundational understanding or learner well-being,” nakasaad sa kautusan. Santi Celario