Home NATIONWIDE Palasyo: Mga alingasngas sa Pax Silica, ‘di makaaapekto sa kumpiyansa ng investors

Palasyo: Mga alingasngas sa Pax Silica, ‘di makaaapekto sa kumpiyansa ng investors

3
0

MANILA, Philippines — Tiniyak ng Malacañang na hindi makapagpapahina sa kumpiyansa ng mga mamumuhunan ang mga isyung ibinabato sa panukalang Pax Silica project sa New Clark City habang nagpapatuloy ang konsultasyon at ground assessment ng pamahalaan.

Sinabi ni Palace Press Officer Claire Castro nitong Huwebes na isinasaalang-alang ng gobyerno ang mga pangamba sa posibleng epekto ng proyekto sa suplay ng tubig at kuryente. Bukas din umano ang pamahalaan sa pagbabago ng ilang probisyon nito.

“Kung sinuman po iyong ibang mayroong isyu patungkol sa diumano magiging problema sa suplay ng tubig, sa suplay ng kuryente, lahat pong ito ay isinasaalang-alang ng pamahalaan,” ani Castro.

“May chance po na mabago ang ibang mga provisions, kung ano po ‘yung maaari pang mas maging magandang idulot sa ating mga kababayan sa bansang Pilipinas and of course sa mga partners. Yun naman po ay isasaalang-alang,” dagdag niya.

Ayon kay Castro, hindi magdudulot ng kawalang-katiyakan sa mga investor ang patuloy na pagrepaso at pagpapahusay sa proyekto. Hinikayat din niya ang mga stakeholder na makipag-ugnayan sa mga kinauukulang ahensya ng gobyerno tungkol sa kanilang mga tanong at pangamba.

Nagsagawa na ang Bases Conversion and Development Authority ng paunang konsultasyon sa mga lokal na pamahalaan at ahensya ng gobyerno hinggil sa development plans ng New Clark City, kabilang ang Pax Silica.

“At present, BCDA is undertaking ground assessment activities in the area. These activities are being carried out to ensure that planning and decision-making are based on accurate assessment on the ground and are conducted in a responsible and orderly manner,” ani Castro.

Ang Pax Silica ay isang panukalang high-tech manufacturing at innovation hub sa ilalim ng Luzon Economic Corridor na naglalayong palakasin ang papel ng Pilipinas sa pandaigdigang supply chain ng semiconductors, artificial intelligence at critical minerals.

Nauna nang sinabi ng BCDA na maaaring makahikayat ang proyekto ng USD40 bilyon hanggang USD70 bilyong puhunan at makalikha ng hanggang 190,000 de-kalidad na trabaho para sa mga inhinyero, mananaliksik, computer science graduates at iba pang skilled Filipino professionals. RNT

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here