MANILA, Philippines — Lumagda ang United States at pamahalaang panlalawigan ng Zamboanga del Sur sa PHP30.8-milyong kasunduan para magtayo ng permanenteng law enforcement training facilities sa Pagadian City at palakasin ang kakayahan ng Pilipinas na pigilan ang mga banta ng terorismo.
Pormal na nilagdaan ng U.S. Embassy in Manila at pamahalaang panlalawigan ang kasunduan noong Hulyo 30.
Sa ilalim ng kasunduan, maglalaan ang Antiterrorism Assistance (ATA) program ng U.S. Department of State ng mga pasilidad para sa regular at specialized training courses ng Philippine National Police at iba pang law enforcement personnel.
“This investment in Pagadian reflects our confidence in the PNP and our conviction that a safer, more capable PNP means a safer Philippines, a safer United States, and a stronger Alliance between our two nations,” sinabi ni U.S. Embassy Acting Senior Regional Security Officer Daniel Art.
Ayon kay Zamboanga del Sur Gov. Divina Grace Yu, higit na mapalalakas ng programa ang kakayahan ng mga Pilipinong alagad ng batas, lalo na sa Mindanao.
“This partnership will enhance the capabilities of our law enforcers in deterring and preventing acts of terrorism. It will strengthen the security and stability of our government not only in the province of Zamboanga del Sur but most especially in Mindanao and even the whole country,” aniya.
Mula noong 2006, nagsagawa na ang U.S. ng ATA courses para sa mahigit 10,000 Filipino law enforcement personnel.
Tinatayang 2,000 miyembro ng PNP at iba pang alagad ng batas ang sasanayin sa mga bagong pasilidad sa Pagadian kada taon.
Sinabi ng U.S. Embassy na bahagi ang pamumuhunan ng pagsisikap na palakasin ang ugnayan ng Pilipinas at United States habang ginugunita ng dalawang bansa ang ika-80 taon ng kanilang diplomatikong relasyon ngayong 2026. Dave Baluyot