MANILA, Philippines – Nagbabala ang Department of Energy (DOE) na maaaring muling tumaas nang malaki ang presyo ng langis kung magpapatuloy ang pagkaantala ng paglalayag sa Red Sea dahil sa tensyon sa pagitan ng Yemen’s Houthi movement at Saudi Arabia.
Ayon kay DOE-Oil Industry Management Bureau Director Rino Abad, wala pang aktuwal na pinsala sa Petroline o East-West oil pipeline ng Saudi Arabia, ngunit kung magkaroon nito, maaaring maapektuhan ang pagpapadala ng 6 hanggang 7 milyong bariles ng krudo.
“Ngayon, nakabalik lang tayo sa P80 to P90 range at itong sustained na pangamba, ay hindi nalang ito sa Strait of Hormuz. Meron kasing emerging ngayon na pangamba, tumatalon na dito sa Red Sea,” aniya.
“Habang walang actual damage sa Petroline ng Saudi Arabia, I think we will just stay at around P80 to P90… Paano kapag may nangyari do’n? ‘Yun ang medyo hindi na tayo P80 to P90, baka more than P80 to P90,” dagdag pa niya.
Ayon sa ulat, nais umano ng Houthi na ulitin sa Red Sea ang estratehiya ng Iran sa Strait of Hormuz sa pamamagitan ng pagharang sa mga barko sa Bab el-Mandeb.
Ang Red Sea ay naging bagong sentro ng tensyon matapos maglunsad ang Houthi ng mga missile at drone attack laban sa Saudi Arabia at magdeklara ng blockade sa mga barkong Saudi. Tumugon naman ang Saudi Arabia sa pamamagitan ng airstrike sa mga target na Houthi.
Tinawag ni Abad ang sitwasyon bilang isang posibleng “game changer.”
“Game changer uli ‘yan kaya nandoon lang tayo sa P80 to P90 range, pero kapag may na-damage ‘yan, it’s around 6 to 7 million barrels ang nailalabas ni Saudi na oil,” aniya.
“Kung may actual damage pang nangyari diyan, mukhang P10 to P12 pa nga. Eh ngayon nga lumpagpas na tayo do’n eh, lalo pa siguro lalagpas,” dagdag pa niya.
Samantala, sinabi ng DOE na sapat pa rin ang suplay ng langis sa bansa at inaasahang tatagal ito ng halos 45 araw. RNT/MDS