MANILA, Philippines – Sinabi ni Atty. Manases “Mans” Carpio na ang usapin tungkol sa pagpapalabas ng income tax records nila ni Vice President Sara Duterte ay dapat maresolba sa tamang proseso ng hukuman, kahit patuloy silang sumusunod sa mga utos ng Senate impeachment court.
Ayon kay Carpio, iginagalang nila ang awtoridad ng impeachment court ngunit may mga mahalagang isyung konstitusyonal at legal na dapat munang pagpasiyahan kaugnay ng paglalabas ng kanilang tax records.
Sinabi rin niya na walang indikasyon na naglabas ang Bureau of Internal Revenue (BIR) ng tax assessment o tax deficiency determination laban sa kanya o kay Duterte.
Kinuwestiyon din niya kung nasunod ang lahat ng kinakailangang legal na proseso at rekomendasyon bago pinayagan ang paglabas ng kanilang mga rekord.
“The submission of documents to the Senate Impeachment Court is a procedural step. The legal significance, admissibility, and evidentiary value of those documents are matters for the Court to determine in accordance with the Constitution, applicable law, and the Rules of the Senate Impeachment Court,” ayon kay Carpio.
Hinimok din niya ang publiko na pag-ibahin ang legal allegations, procedural developments, at factual findings, at sinabing ang mga usaping konstitusyonal ay dapat lutasin batay sa ebidensyang ihaharap sa tamang hukuman.
Nauna nang naglabas ng subpoena ang Senate impeachment court para sa tax at bank records ni Duterte. Noong Huwebes, isinumite ng BIR ang mga tax records sa impeachment court, at kinumpirma ng Malacañang na pinayagan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang BIR na buksan ang tax records nina Duterte at Carpio. RNT/MDS