Home NATIONWIDE Komento ng Meralco sa pagkalos ng system loss sa electric bill, kinondena...

Komento ng Meralco sa pagkalos ng system loss sa electric bill, kinondena ng solon

3
0

MANILA, Philippines – Kinondena ni House Assistant Minority Leader at Gabriela Women’s Party Rep. Sarah Elago ang komento ng Meralco ukol sa panukalang alisin sa bill ng kuryente ang system loss charges dahil mabigat anila ito sa industriya matapos mapaulat na kumita ang kopanya ng ₱26.5-billion consolidated core net income sa unang kalahating taon ng 2026.

Ani Elago ito ay katunayan lamang na patuloy na nagtatamasa ang Meralco sa pamamagitan ng pagpapasa ng system loss samga kostumer.

“Hindi kapani-paniwala na isang kumpanyang kumita ng ₱26.5 bilyon sa loob lamang ng anim na buwan ang magsasabing hindi nito kayang akuin ang system loss charges. Kung may dapat magbayad, hindi ang mga konsyumer kundi ang mga korporasyong patuloy na kumikita ng bilyon-bilyong piso mula sa isang batayang serbisyo,” giit pa ni Elago.

“Sa simula pa lang, hindi na dapat ipinapasa sa mga konsyumer ang system loss charges. Hindi kasalanan ng mga mamamayan ang pagkawala ng kuryente sa transmission at distribution. Hindi sila dapat ang pinagbabayad sa gastos na bahagi ng operasyon ng mga power utility,” dagdag pa ng kongresista.

Binigyang diin pa ni Elago na ang posisyong ito ng Meralco ay isang mabigat na dahilan para maibasura o maamiendahan ang Electric Power Industry Reform Act (EPIRA).

“Lumalabas ngayon kung bakit hindi sapat ang simpleng pag-amyenda sa EPIRA. Hangga’t nananatili ang batas na nagbibigay-prayoridad sa tubo ng malalaking power corporations, patuloy ding maipapasa sa mga konsyumer ang iba’t ibang singilin para proteksyunan ang kanilang napakalaking kita,” ayon pa rin kay Elago.

Samantala agad namang naghain ng isang panukalang batas si Quezon City District V Rep. Patrick Michael “PM” Vargas na nagsusulong na repormahin ang sektor ng enerhiya upang mapababa ang singil sa kuryente at wakasan ang mga hindi makatarungang bayarin sa konsyumer.

Inihain ng kongresista ang House Bill No. 10306 na layuning amyendahan ang Electric Power Industry Reform Act (EPIRA) at palakasin ang proteksyon ng publiko laban sa mga singil na hindi dapat ipinapasa umano sa mga mamamayan.

Kasunod ito ng direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., sa kaniyang State of the Nation Addres (SONA) na buwagin ang system loss sa bill ng kuryente.

“Malinaw ang mensahe ng Pangulo—dapat gumaan ang pasanin ng mamamayan sa kuryente. Sa HB 10306, tinatama natin ang matagal nang mali kung saan ang inefficiencies sa sistema ay ipinapasa pa sa konsyumer,” sinabi pa ni Vargas.

Nakapaloob sa panukala na tanging mga lehitimong technical losses na lamang ang maaaring isama sa singil na sa kasalukuyan ang system loss charges ay bahagi ng buwanang bayarin sa kuryente, na nagpapahintulot sa distribution utilities na mabawi ang bahagi ng enerhiyang nawawala sa transmission at distribution. Ngunit iginiit ni Vargas na hindi dapat pasanin ng mga mamamayan ang pagkawala ng kuryente dahil sa kapabayaan o ilegal na gawain.

“Hindi makatarungan na ang isang pamilyang Pilipino ay magbabayad para sa kuryenteng ninakaw o nasayang dahil sa kahinaan ng sistema. Panahon na para ilagay ang pananagutan kung saan ito nararapat.” (Meliza Maluntag)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here