ILOILO, Philippines – Naaresto ng pulisya ang isang high-value individual (HVI) at nasamsam ang hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng P3.74 milyon at isang ilegal na baril sa dalawang anti-drug operation sa Arevalo District, Iloilo City noong Huwebes.
Kinilala ng Police Regional Office–Western Visayas ang suspek na si alias Eric/Rokyo, 55, residente ng Barangay Sta. Cruz, Arevalo.
Sa buy-bust operation, nakabili muna ang isang police poseur-buyer ng 50 gramo ng hinihinalang shabu mula sa suspek. Sa kasunod na paghahalughog sa kanyang bahay, narekober pa ang 500 gramo ng hinihinalang shabu, isang 9mm pistol na may anim na bala, at iba pang ebidensya.
Ayon sa pulisya, halos tatlong buwan nilang minanmanan ang umano’y pagkakasangkot ng suspek sa ilegal na droga bago ito naaresto.
Pinuri ni Acting Regional Police Director Brig. Gen. Randulf Tuaño ang matagumpay na operasyon at hinikayat ang mga pulis na ipagpatuloy ang pagtugis sa mga high-value target at ang kampanya laban sa ilegal na droga. RNT/MDS