MANILA, Philippines – SWAK sa hoyo ang isang babaeng negosyante na nanlait at pumuna sa ipinatupad na truck ban ni Valenzuela City Mayor Wes Gatchalian nang arestuhin ng pulisya dahil sa kasong Unjust Vexation makaraang matunton sa Baliwag, Bulacan, Sabado ng madaling araw, Oktubre 3.
Sa bisa ng warrant of arrest na inilabas ng Caloocan City Metropolitan Trial Court Branch 49, inaresto ng mga tauhan ni Valenzuela Police Chief P/Col. Joseph Talento si alyas “Cathy”, 44, sa kasong Unjust Vexation na isinampa laban sa kanya ng isang pribadong complainant ala-1:00 ng madaling araw sa kanyang tirahan sa Brgy., Sabang, Baliwag, Bulacan.
Magugunita na nag-post sa kanyang Facebook page si ‘Cathy’ noong Setyembre 26, 2026 na pumupuna sa ipinatupad na truck ban sa Valenzuela na aniya ay nakasisira sa negosyo at umani ng halos apat na milyong views at 80,000 reaction makaraang laitin at sinabihan pa ng hindi magandang pananalita ang alkalde.
Ipinatupad ng alkalde ang truck ban mula alas-6 ng umaga hanggang alas-10 ng gabi upang matapos agad ang pagkukumpuni at rehabilitasyon sa pangunahing lansangan sa lungsod habang binigyang ng exemption ang lehitimong mga negosyante.
Pansamantalang naka-detine si alyas Cathy sa Valenzuela Police Sub-Station-6 sa 3S Dalandanan habang hinihintay pa ang utos ng korte para sa paglilipat sa kanya sa Valenzuela City Jail o pagpapalaya sa kanya sa oras na makapaglagak ng piyansang P2,000.00. Merly Duero