MANILA, Philippines – Nalungkot ang Regional Tripartite Wages and Productivity Board-NCR (RTWPB-NCR) matapos pigilan ng Pasig Regional Trial Court (RTC) ang pagpapatupad ng P85 minimum wage increase sa Metro Manila.
Ayon kay RTWPB-NCR Chairperson Atty. Sarah Buena Mirasol, dumaan sa tamang proseso ang wage hike at isinama ang opinyon ng mga manggagawa, employer, at pamahalaan.
“Talagang nalulungkot, lalo na po kami kasi alam ko po na kami ay dumaan sa proseso… it was a discussion among the members of the board, and all were given the opportunity,” aniya.
“Tinalakay po namin ang iba’t ibang positions, comments ng labor, ng employer, as well as the government, and we are confident of the fact na we followed due process and we followed the process as provided in the guidelines for the minimum wage fixing,” dagdag pa niya.
Noong Huwebes, naglabas ang Pasig RTC ng temporary restraining order (TRO) na nagpapahinto sa pagpapatupad ng P85 wage hike hanggang Agosto 13.
Iginiit ng Department of Labor and Employment (DOLE) na iginagalang nito ang utos ng korte at nakikipag-ugnayan na ang National Wages and Productivity Commission (NWPC) sa Office of the Solicitor General (OSG).
Nagtaka rin ang RTWPB-NCR kung bakit saklaw ng TRO ang buong National Capital Region (NCR) gayong sa Pasig lamang inihain ang petisyon.
“Hindi ko rin mawari no, matintindihan kasi ang proseso namin ay from regional trial, RTWPB ay pupunta po sa NWPC yung thru appeal po Kung meron pong grave abuse of discretion on our part na meron kaming hindi sinunod sa guidelines ng minimum wage fixing.”
Sinabi naman ni Kamanggagawa Party-list Rep. Ely San Fernando na iimbestigahan nila ang Pasig RTC dahil sa umano’y panghihimasok nito sa kapangyarihan ng wage board.
“Ang nakasulat sa RA 6727 at sa Labor Code, ‘yung exclusive jurisdiction sa pagtatakda ng sahod nasa mga Regional Wage Boards, so kung merong apela ‘yung halimbawa mga negosyante, dapat ang pupuntahan nila National Wages and Productivity Commission, hindi sa RTC,” saad ni San Fernando.
“So pinangingibabawan, pinanghihimasukan ng Pasig RTC Branch 152 kung ano ‘yung nakasulat sa batas. This really merits a congressional inquiry,” dagdag pa niya.
Ayon naman kay DOLE Secretary Francis Tolentino, ang mga manggagawang nakapagtrabaho bago naging epektibo ang TRO ay dapat pa ring makatanggap ng naaprubahang wage increase.
“Meron nang vested right ‘yung manggagawa noon so hindi na dapat isauli ‘yon.” RNT/MDS