MANILA, Philippines – Libo-libong aspiring Iskolar ng Bayan ang nagtungo sa iba’t ibang testing centers sa buong bansa nitong Agosto 1 para sa UP College Admission Test (UPCAT) 2027.
Ayon sa UP Office of Admissions, inaasahang 153,000 examinees ang kukuha ng pagsusulit sa loob ng dalawang araw (Agosto 1 at 2), kabilang ang humigit-kumulang 53,000 examinees sa UP Diliman.
“We are expecting about 153,000 examinees for the two days sa Saturday and Sunday sa buong system,” sabi ni UP Office of Admissions Director Gerald Pio Franco.
Isinasagawa ang UPCAT sa 118 testing centers sa buong bansa, kabilang ang 9 na UP campus at 109 partner schools at non-UP testing centers. Ayon kay Franco, naging maayos ang paghahanda sa pagsusulit sa kabila ng ilang maliliit na problema.
Dahil sa quota system ng UP, 16,000 hanggang 18,000 aplikante lamang ang karaniwang natatanggap bawat taon.
Inaasahang ilalabas ang resulta ng UPCAT 2027 sa unang kalahati ng 2027. RNT/MDS