MANILA, Philippines – Ligtas na dumating sa NAIA Terminal 3 sa Maynila noong Hulyo 29 ang apat na Pilipinong marino na na-repatriate mula Iran, ayon sa Department of Foreign Affairs (DFA).
Nagtrabaho ang mga marino sa mga gas field sa Bushehr at Kish Island sa Iran at nailigtas sa tulong ng Philippine Embassy sa Tehran.
Ayon sa DFA, nanganganib ang kanilang kaligtasan dahil sa tensyon at labanan sa katimugang baybayin ng Iran.
“The Embassy brought this matter to the attention of concerned Iranian authorities, and arranged for their repatriation in coordination with the Local Manning Agency (LMA), in accordance with the Assistance-to-Nationals (ATN) regulations of the DFA,” ayon sa DFA.
Bumaba sila mula sa kanilang barko noong Hulyo 14 at pansamantalang nanatili sa Bushehr bago bumiyahe patungong Shiraz at pagkatapos ay Tehran, kung saan sila sumakay ng eroplano pauwi ng Maynila.
Ayon sa DFA, may humigit-kumulang 800 Pilipino ang naninirahan sa Iran noong Marso 2026. RNT/MDS