MANILA, Philippines – Sinabi ng Department of Social Welfare and Development na aktibong minomonitor ng DSWD Field Office (FO) 7 – Central Visayas ang sitwasyon sa Mandaue City, Cebu matapos magdulot ng paglikas sa 55 pamilya o 220 indibidwal sa Barangay Ibabao-Estancia ang malakas na pag-ulan na dulot ng trough ng isang Low Pressure Area (LPA) noong Huwebes, Hulyo 30.
Patuloy ang pakikipag-ugnayan ng regional office na nakabase sa Cebu sa lokal na pamahalaan (LGU) ng Mandaue City at sa City Social Welfare Services Office (CSWSO) upang suriin ang kalagayan ng mga internally displaced persons (IDPs) at tiyakin ang kanilang mga pangangailangan sa lugar.
“Sa ngayon po, ang mga pamilyang lumikas ay pansamantalang nanunuluyan sa Ibabao-Estancia Gym kung saan patuloy natin silang mino-monitor. Ang DSWD Field Office naman po natin ay naka-standby sakaling mangailangan ang mga lokal na pamahalaan ng karagdagang suporta,” pahayag ni Asst. Secretary Irene Dumlao ng Disaster Response Management Group (DRMG) ng DSWD noong Sabado, Agosto 1.
Batay sa pinakahuling ulat, ang DSWD FO 7 ay kasalukuyang mayroong 104,027 family food packs (FFPs) at 14,953 food and non-food items (FNIs) na nakahanda na sa mga regional logistics hub para sa agarang pamamahagi sa oras na humiling ang LGU.
Ang mga isinasagawang disaster monitoring at response operations ay sumusunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na tiyakin ang agarang suporta para sa mga pamilyang apektado ng natural na kalamidad.
“Alinsunod po sa utos ng ating Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sinisiguro po natin na napapanahon ang suporta na ibinibigay natin sa mga kababayang nangyayari. Patuloy din pong nakatutok ang ating Departamento sa bawat lugar na nakakaranas at makakaranas ng disaster kaya siniguro rin po natin na kumportable ang paglagi ng mga apektadong sa loob ng mga evacuation center sa pamamagitan ng pagtatayo ng modular tent,” ani Dumlao.
Kaugnay nito tiniyak ng tagapagsalita ng DSWD sa publiko na may sapat na stockpile ang Kagawaran na nakalagay sa mga bodega sa buong bansa.
“Huwag po tayong mag-alala dahil kagaya po ng palagi naming sinasabi, handa po ang DSWD, enough po and ating prepositioned goods, at araw-araw nire-replenish po natin kung ano man ang nababawas sa ating stockpiles,” sabi ni Dumlao. Santi Celario