ANGADANAN, Isabela – Umabot sa 175 wanted person ang naitalang naaresto ngayon buwan ng Hulyo ng mga kasapi ng Isabela Police Provincial Office o IPPO sa kampanya laban sa kriminalidad.
Sa datos ng IPPO sa kampanya laban sa mga Other Wanted Persons (OWP) ay 155 katao at sa Most Wanted Persons (MWP) ay walo rin ang naaresto.
Matagumpay ring naaresto ang 12 Top Most Wanted Persons (TMWP), kabilang ang 4 Regional Top Most Wanted Persons, 6 Provincial Top Most Wanted Persons, at 2 City/Municipal Top Most Wanted Persons.
Kabilang sa mga naaresto ang mga akusado sa kasong Qualified Rape, Statutory Rape, Rape, Violation of RA 7610, Rape and Slight Illegal Detention, Sec. 5 of RA 7610 (3 counts), Lascivious Conduct (2 counts), Act of Lasciviousness in Relation to RA 7610, Estafa in relation to RA 10175, at Murder.
Ang matagumpay na operasyon ay isinagawa ng iba’t-ibang municipal police stations sa lalawigan bilang bahagi ng pinaigting na manhunt operations na direktiba ni Provincial Director PCol. Manuel Bringas ng IPPO.
Kasabay nito, pinuri ni PCol. Bringas ang mga tumalima sa kanyang kautusan at dedikasyon sa patuloy na pagpapatupad ng batas na kanilang sinumpaang tungkulin bilang bahagi ng adhikain ng kapulisan na magkaroon ng isang ligtas at mapayapang komunidad sa ilalim ng programang “Bagong PNP para sa Bagong Pilipinas: Serbisyong Mabilis, Tapat, at Nararamdaman.” REY VELASCO