Home NATIONWIDE 1 PhilHealth-accredited doctor sa bawat 2,300 Pinoy; 47 probinsya kulang sa specialists

1 PhilHealth-accredited doctor sa bawat 2,300 Pinoy; 47 probinsya kulang sa specialists

3
0

MANILA, Philippines – Aabot sa 47 sa 83 lalawigan sa Pilipinas ang walang PhilHealth-accredited na doktor sa hindi bababa sa isang medical specialty, ayon sa isang pag-aaral na pinangunahan ng mga mananaliksik mula sa Ateneo de Manila University.

Batay sa pag-aaral na Where Are Our Physicians?, 41 lalawigan ang walang accredited psychiatrist, 36 ang walang pathologist, at 28 ang walang radiologist.

Lumabas din na hindi pantay ang distribusyon ng mga doktor sa bansa, kung saan malaking bahagi ng PhilHealth-accredited physicians ang nakarehistro sa Metro Manila.

Sa datos noong Mayo 2025, nasa 49,649 ang accredited physicians sa buong Pilipinas, o katumbas ng isang doktor sa bawat humigit-kumulang 2,300 Pilipino.

Halos 30% ng mga doktor na ito ay nakarehistro sa National Capital Region (NCR), kahit 12.2% lamang ng populasyon ng bansa ang naninirahan dito.

Nagtala ang NCR ng 106.3 accredited physicians sa bawat 100,000 katao, kumpara sa 8.4 lamang sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM).

Sa antas ng lalawigan, pinakamababa ang ratio sa Maguindanao del Norte, na may 2.06 accredited physicians sa bawat 100,000 residente.

Natuklasan din na nakapokus sa Metro Manila ang malaking bahagi ng mga medical school at specialist training programs, na maaaring makaapekto sa distribusyon ng mga doktor sa mga probinsya.

Gayunman, nilinaw ng mga mananaliksik na ang pag-aaral ay nakabatay lamang sa mga doktor na accredited ng PhilHealth at hindi sumasaklaw sa lahat ng lisensyadong manggagamot sa bansa.

Sa mas bagong datos ng PhilHealth noong Setyembre 30, 2026, umabot na sa 58,578 ang bilang ng accredited physicians sa buong bansa.

Inirekomenda ng mga mananaliksik ang pagpapalawak ng mga ospital, medical training facilities at health infrastructure sa mga lalawigang kulang sa mga espesyalista upang mapabuti ang access ng publiko sa serbisyong medikal.

Ang pag-aaral, na inilathala bilang preprint noong Hulyo 2026, ay hindi pa sumasailalim sa pormal na peer review. RNT

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here