MANILA, Philippines – Inirekomenda ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Council (PDRRMC) na isailalim sa state of calamity ang buong lalawigan ng Bohol dahil sa lumalalang epekto ng El Niño sa sektor ng agrikultura.
Napagkasunduan ang rekomendasyon sa pulong na pinangunahan ni Bohol Governor Erico Aristotle Aumentado nitong Lunes, Nobyembre 16, upang mapabilis ang pagpapalabas ng pondo at pagbibigay ng tulong sa mga apektadong magsasaka.
Batay sa datos ng provincial Disaster Risk Reduction and Management Information System (DRRMIS) noong Oktubre 30, umabot na sa P360.8 milyon ang pinsala sa agrikultura, na nakaapekto sa 15,174 magsasaka.
Pinakamalaki ang pinsala sa palay na umabot sa P342.4 milyon, habang P6.5 milyon naman sa mais at P11.83 milyon sa iba pang pananim.
Posible pang tumaas ang halaga ng pinsala dahil 33 pa lamang sa 47 bayan at isang lungsod ng Bohol ang nakapagsumite ng kanilang ulat.
Ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA), inaasahang makakaranas ang Bohol ng mas matinding kakulangan sa ulan sa mga susunod na buwan dahil sa El Niño, na maaaring magpatuloy hanggang unang bahagi ng 2027.
Bilang paghahanda, pinatitibay ng pamahalaang panlalawigan ang mga hakbang upang matiyak ang suplay ng tubig, kabilang ang paggamit ng water pumps, solar-powered systems at cloud-seeding operations.
Inatasan din ni Aumentado ang Office of the Provincial Agriculturist na maglabas ng lingguhang abiso tungkol sa mga angkop na pananim at kalagayan ng suplay ng tubig.
Sa ilalim ng Republic Act No. 10121, maaaring magdeklara ng state of calamity ang lokal na sanggunian batay sa rekomendasyon ng disaster risk reduction and management council.
Wala pang kumpirmasyon na pormal nang naaprubahan ang deklarasyon para sa buong Bohol. Mary Anne Sapico