MANILA, Philippines – Sugatan ang isang babaeng barangay chairperson, kanyang anak at isang empleyado ng Ministry of Social Services and Development (MSSD) matapos tambangan ng mga armadong lalaki sa Kadayangan, Special Geographic Area ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM), nitong Lunes, Nobyembre 16.
Kinilala ang isa sa mga biktima na si Barangay Tumbras Chairperson Fatima Mokamad.
Batay sa ulat ng Inquirer na sumipi sa police report ni Kadayangan Police Chief Lt. Julito Gonzales, sakay ng isang itim na Ford Ranger pickup ang tatlong biktima nang mangyari ang pamamaril bandang alas-2 ng hapon.
Patungo umano ang mga biktima sa national highway nang harangin ang kanilang sasakyan ng mga hindi pa nakikilalang suspek na sakay ng isang puting sasakyan.
Pinagbabaril ng mga suspek ang pickup bago mabilis na tumakas.
Isinugod naman ang tatlong sugatan sa isang ospital para sa agarang paggamot.
Agad nagsagawa ng hot pursuit operation ang Kadayangan Municipal Police Station at nagpatupad ng paghihigpit sa mga kalsadang nakapaligid sa lugar upang matunton ang mga salarin.
Patuloy pang inaalam ng mga imbestigador ang motibo sa pananambang at pagkakakilanlan ng mga suspek.
Wala pang inilalabas na karagdagang detalye ang mga awtoridad tungkol sa kasalukuyang kondisyon ng mga biktima. Mary Anne Sapico